Samu't saring Kuro-kuro at Haka-haka

Ang Eleksyon sa Pilipinas ay panahon ng mga pangako. Mga pangakong nakakatawa, nakaiinis at ang iba’y nakaaawa. Para silang mga timang na manliligaw, ang mga kandidatong ito ay ipapangako ang lahat masungkit lang ang matamis na oo ng kanilang sinisintang liyag. Para sa bayan daw, sabi nila, give me a break! May malasakit daw, utot niyo! May puso raw, %$&&* niyo!

Come to think of it, ang tatagal na ng mga taong ito sa gobyerno (bukod dun sa isa na matagal munang nagsilbi sa ibang bansa bago naalalang siya pala ang tagapagligtas ng mga Pinoy, na may puso!), ngayon lang nila naisip ang mga ipinapangako nila? Pwede naman pala, bakit hindi nila nagawa? Kung talagang may malasakit sa bayan, bakit noong mayor ka o senador ka, hindi ka man lang nagmalasakit at ibinulong sa presidente na ito ang gawin natin. Kailangan mo talaga maging presidente?

Baka sabihin ng mga kandidatong ito, iba ‘yung ikaw ang presidente, iba when you’re the one calling the shots. This is precisely my next point, iba yung kandidato ka pa lang, iba na kapag presidente ka na. Nagtataka ka kung bakit hindi natutupad ng mga nagdaang presidente ang mga naipangako nila noong nangangampanya pa sila? Ano, trip lang nila na isipin natin na wala silang balls at wala silang isang salita? Hindi pa naman ako nagiging presidente, pero tingin ko lang, kapag presidente ka na, then you will see a whole new different perspective. A perspective that only 1 in every 100 million Filipinos can enjoy.

We must remember that there are 3 branches of the government, executive, legislative and the judiciary. Being a president is a balancing act, dapat ang mga hakbang na gagawin mo hindi sasaklaw sa trabaho at mandato ng legislative at sa judiciary. Ito rin ang dahilan kung bakit may mga batas na gusto ng presidente na maipatupad ngunit hindi naipapasa sa kongreso. Ang kongreso ay supposed-to-be an independent body, at daan-daan ang kinatawan dito, mga kinatawang may kani-kaniyang interes, paniniwala at antas ng kasakiman. Actually, palaisipan nga sa akin kung paanong may batas silang naipapasa kung sa pamilya nga na may anim na miyembro ay mahirap magkasundo.

Suffice it to say that when you’re a president, you don’t make haphazard decisions, (at least you’re not supposed to) lahat dapat dumadaan sa consultations kaya nga maraming cabinet secretaries at advisers e. Legal ba ang gagawin natin? Will this violate the constitution? Hindi puwede yung, ibigay ito kay ganito, itumba si ganun! Hindi sindikato ang pinapatakbo mo, boy.

Isa sa mga nakakatawang pangako ay ito, and I quote: Itaga niyo sa bato, anim na buwan, krimen, corruption at droga, wala na dito sa inyong lugar, wala na sa Luzon, Visayas at Mindanao! Whoah! San ka pa? Kung may Guiness Book of World record siguro sa pinakamatinding pangako sa eleksyon, ito na yun. Dis is it! Pak na pak, sabi ng mga beks! Kung hindi mo nakikita ang nakakatawa sa sinabi ng magaling na kandidato, pakibasa ulit o panoorin mo ulit ang video para dumami ang views. There was no holding back, hindi man lang sinabi na babawasan ng 50%, itinodo talaga! Wala na, zero, nil, itlog, bokya! Was he speaking in a different language? Dahil kung tagalog ito, iisa lang ang interpretasyon ko. How absurd! Now, tanungin mo ang sarili mo? Naniniwala ka sa pangako nito? O better yet, uto-uto ka ba?

Mataas ang pagtingin ko dati sa kandidatong ito but this campaign battle cry is a great disservice to him, and it is a glaring proof of ignorance. Ignorance sa lalim at sa ugat ng problema, kamangmangan sa tunay na estado ng mga abang maralita.  Ano ‘to, kaya mataas ang krimen dahil trip trip lang ng mga taong magnakaw at pumatay? Bored na sila kaya nagnanakaw at nangingidnap?

Mind you, crime is not a new discovery. Kung di ako nagkakamali, it started during biblical times, corruption or some forms of it, are also depicted in the Bible. And they will end it in 6 months! Ridiculous is it? It’s even blasphemous in my book! Only in the Philippines! Gusto kong pagsabayin ang facepalm at slow clap, di ko lang alam kung paano. Hindi pa nga ito nagagawa sa ibang bansa na mas may mga disiplinado at makabayang mamamayan. Following this train of thought, di ako magtataka kung ang susunod na TV ad nila ay ipapangako na nila na maging superpower gaya ng US ang Pilipinas bago matapos ang kanilang termino. Ano pa ang hinihintay niyo? Itodo niyo na!

Ironically, itong kandidatong ito ay sumisigaw ng pagbabago. But I can’t see any changes on this same old campaign tactic of deceiving voters by rhetorics. I can see the handiwork of a trapo all over this strategy, it was even brought to an extreme level.

Let me make this clear, I’m not campaigning against a particular candidate, not at this time. If you think he or she is the right guy for the job, then please vote for him/ her. Pero huwag kang hopia, huwag kang umasa na matutupad ang mga pangako nila. Hindi sila ang magliligtas sayo sa kahirapan at mag-aangat sa lugmok na kalagayan ng bansa. Dahil I’m telling you, mabibigo ka lang. They will try to keep their promises but they will fail. Because that’s the way it is. Wala tayo sa dream land, ang mga problema ng bansa ay hindi masosolusyunan ng isang kumpas ng magic wand.

Tumingin ka sa paligid mo, yung jeepney driver na nagsakay sa maling sakayan, yung ale na tumawid sa maling tawiran, yung malakas mangampanya sa FB sa kandidato niya pero malakas din maglagay sa MMDA enforcer. Ang mga taong ito ay may sariling mga interes at kani-kaniyang problema sa buhay. Hindi nila uunahin ang problema ng bansa, uunahin nila ang sarili nilang problema. I-multiply mo ang sitwasyong ito ng isandaang milyong beses at makikita mo ang tunay na sitwasyon ng bansa.

Ang isang pangakong natitiyak kong hindi mapapako ay ito: kung kikilos ka at magsusumikap na maabot ang mga pangarap mo sa buhay, hindi maglalaon at masusuklian ang iyong pagod at matitikman mo ang tamis ng tagumpay. Pangako nga ng isang Amerikanong politiko: Through hard work, perseverance and a faith in God, you can live your dreams.

image

Sa ayaw man o sa gusto natin, ang bawat eleksyon ay nagdudulot ng pagkakahati-hati ng bansa sa halip na pagkaisahin tayong mga Pilipino. Lalo na sa tipo ng eleksyon na meron tayo ngayon at sa pagiging regionalistic natin. Ang solid north ay para sa isang kandidato na may dugong Iloko, ang mga Bicolano ay para sa isa pang kandidato na nagmula sa Bicolandia at ang mga Bisaya ay para sa kapwa nila Bisaya.

Sa mga panahong ito, bawat isa ay may kani-kaniyang opinyon kung sino ang karapat dapat na manalo, ang iba nga ay may mga manok na masigasig na ikinakampanya sa social media at sa umpukan sa kanto.

Ilang pambansang eleksyon na rin ang natunghayan ko. Ang kaibahan lang sa eleksyon ngayon, aktibo ang mga kandidato at mga kampon nila sa pangangampanya sa social media. Hindi naman katakataka dahil sa dami ng mga kabataan ngayon na nahuhumaling sa Facebook, Twitter, Instagram at kung anu-ano pa.

Sa init ng pagsuporta ng ilan sa kani-kanilang mga kandidato, hindi malayong mayroon nang nagkagalit na magkaibigan sa social media dahil sa pagtatanggol sa kani-kanilang mga kandidato. Hindi lang sa magkakaibigan, kahit na magkakapamilya ay nag-aaway ng dahil sa pulitika. Ang iba ay hindi kuntento sa pakikipagdebate at pagtatanggol sa kanilang kandidato, may mga gumagawa at nagpapakalat pa ng tsismis, masiraan lang ang kalabang kandidato. Huwag nating kalimutan na sa bawat paninira na ipost mo laban sa isang kandidato sa social media, maaaring meron ka ring isang panatikong kaibigan na maaaring sumusuporta sa kandidatong sinisiraan mo.

I can tell you now, these are not worth it.

Kung mayroon man akong natutunan sa mga nagdaang mga eleksyon, ito ay ang pagdahan-dahan sa pagsuporta sa mga kandidatong ito. Lalong mali ang iasa ang kinabukasan mo at ng iyong pamilya sa mga pulitikong ito. To pin your hopes on these Presidential wannabes is just wrong. Dalawang bagay lang ang pwedeng mangyari pagkatapos ng eleksyon. Una ay ang matalo ang sinusuportahan mong kandidato at kainin mo ang mga masasamang sinabi mo sa social media. Ang pangalawa’ y ang manalo ang kandidato mo but he will disappoint you, dahil hindi pala nya kayang pangatawanan ang kanyang mga pangako. Before you know it, baka ikahiya mo pang ibinoto o ikinampanya mo siya. Ang pangatlo, kung saan mananalo ang kandidato mo at magawa niyang wakasan ang mga problema ng lipunan, ay panaginip lamang.

Hindi ako nawawalan ng pag-asa sa ating bansa at iginagalang ko ang karapatan ng bawat isa na bumoto at ikampanya ang kanilang mga napupusuang kandidato. Ngunit maigi ring maunawaan natin na ang suliranin ng ating bansa ay hindi isang biro lamang. Hindi ito maihahalintulad sa simpleng sugat lamang na pwede na lamang lagyan ng band-aid ay ayos na. Panahon pa lang ni Rizal ay inihalintulad na niya sa kanser ang sakit ng ating lipunan. Hindi ito kayang gamutin ng band-aid o kahit anong pain-reliever lamang. Ang sakit na ito ay nanunuot hanggang sa pinakamaliit na himaymay ng ating lipunan.

Natatawa na lang ako kapag naririnig ko ang mga pangako ng mga pulitiko na gaganda ang buhay kapag sila ay nahalal o kaya naman ay masusugpo ang kahirapan at krimen. Ngunit  nakakalungkot dahil marami pa rin ang naniniwala sa mga pangakong ito. Ang paniniwala sa pangako ng pulitiko ay maihahalintulad sa pag-i-invest sa negosyo, if it is too good to be true, it probably is.

Kung titingnan nga ang track record ng mga tumatakbo sa pagkapangulo, lahat sila ay hindi baguhan sa public service. Ang iba ay tumanda na lang sa paghawak ng posisyon sa gobyerno. Ano ang nagawa nila para sa bayan? Kailangan ba nilang maging presidente muna to make a difference?

May mga nangangako ng pagbabago, ngunit kung titingnan mo ang mga taong nakapaligid sa kanila ay wala kang makikitang bago. At tingnan mo ang mga ikinikilos nila, sumisigaw sila ng pagbabago ngunit hindi nila magawang baguhin ang paraan ng kanilang pamumulitika. Ang pagtatapon ng putik sa kalaban ay nariyan pa rin, ang mga nakakatawa at nakakainsultong gimmicks ay mabenta pa rin. At malamang, nariyan pa rin ang vote-buying pagsapit ng eleksyon.

Hindi ko masisisi kung desperado na ang ilan sa atin. Mahabang panahon na tayong nakasadlak sa kahirapan, masyadong na tayong napag-iwanan. Ilang lider na rin ang nangako ng pagbabago at progreso at kung titingnan ang mga numero, umaasenso naman daw tayo. Kung hindi natin nararamdaman ang pag-asenso, baka wala na sa gobyerno ang problema. Baka kailangan na rin nating magtrabaho at kumilos.

Kahit sino pa ang manalong pangulo, hindi sila ang magbibigay ng pagkain sa iyong hapag-kainan. Hindi sila ang magtataguyod sa iyong pamilya. Hindi sila ang magtatrabaho para sayo.

Hindi ako ang unang magsasabi nito ngunit sasabihin ko pa rin, kung gusto natin ng pagbabago, ito ay dapat na magsimula sa ating mga sarili. Sabi nga ni John F. Kennedy, “Ask not what your country can do for you, ask what you can do for your country.” 

Usapang Facebook DP

dpMalaking issue ngayon sa social media, bukod sa malagim na trahedya sa Paris, ang trapik na idinudulot ng APEC sa Pilipinas at ang kontrobersyal na panayam kay Alma Moreno, ay ang paglalagay ng bandila ng France sa profile picture sa Facebook ng marami upang makisimpatya sa mga biktima ng pag-atake sa nasabing bansa. 

Reklamo ng iba, halos araw-araw ay may mga namamatay dahil sa terorismo sa iba’t ibang panig ng mundo ngunit bakit hindi gumawa ang Facebook ng temporary profile picture para sa mga bansang ito? Lingid sa iba, isa ring pag-atake ang naganap sa Beirut sa parehong araw na inatake ang Paris na kumitil ng mahigit sa apatnapung buhay. Ano nga ba ang meron sa France?

Since hindi naman ako konektado sa Facebook, lahat ng mga sasabihin ko dito ay pawang mga kuro-kuro at haka haka lamang. Kung may problema kayo sa mga mababasa niyo, gawa rin kayo ng sarili niyong blog haha.

Ito ang unang pagkakataon na gumawa ng ganito ang Facebook. Nagkataon marahil na “trending” at mas marami ang interesado sa paksang ito kaya ito ang kanilang pinagtuunan ng pansin. Sa tingin mo ba magkakainteres ang Facebook sa isanlibong tumatalakay sa interview ni Alma Moreno gayong may isang milyong nagpapahayag ng kalungkutan sa nangyari sa Paris? Huwag din natin kalimutan na ang Facebook ay isang kompanyang nakabase sa America, hindi kataka-takang mas makisimpatya ito sa bansang kapitbahay at kaalyado ng kanilang bansa. 

Ang France ay itinuturing na beacon of democracy sa Europa. Para sa ilan, kung ang bansang ito ay nagawang atakihin ng mga terorista, ano ang makapipigil na mangyari ito sa mga bansang walang kakayahang protektahan ang sariling teritoryo gaya ng Pilipinas.

Bakit nga ba ganun na lang ang reaksyon ng social media sa nangyari sa France gayong halos araw-araw ay may mga namamatay dahil sa karahasan o terorismo sa mga bansa sa Gitnang Silangan? Picture this. Halimbawang may dalawang bomba ang sumabog sa Pilipinas (knock on wood), isa sa isang maliit na baryo sa Mindanao at isa sa gitna ng business district sa Metro Manila. Sa palagay mo, alin ang mas pag-uusapan at saan ang pagtutuunan ng pansin ng media? Saan mapupunta ang simpatya ng mga tao?  Tanggapin natin ang katotohanan na kung pangkaraniwan na lang ang karahasan sa isang lugar, hindi man dapat ay tila lumalamlam ang simpatya ng mga tao. 

Kahit sa anong relihiyon, mahalaga ang buhay. Walang karapatan ang sinuman na kitilin ang buhay ng kanyang kapwa maging sa ngalan ng relihiyon o ideolohiya.  Marapat lamang natin ipagdasal ang mga taong naging biktima ng karahasan saan mang sulok ng mundo. Hindi rin ako sang-ayon sa tinatawag nilang selective sympathy. Pero we can only do so much. And selective sympathy is better than apathy. Gustuhin man natin, hindi naman pwedeng magpalit tayo ng profile pic sa bawat insidente ng karahasan na magaganap sa alinmang bansa. Isa pa, ang pakikiramay ay ginagawa ng kusang loob at hindi ipinipilit. Imaginin niyo na lang na nakiramay ka sa isang malapit na kapitbahay na namatayan, makatuwiran ba na usigin ka ng isa mo pang kapitbahay kung bakit hindi ka nakiramay sa kanya noong siya naman ang namatayan?

Nakakalungkot isipin na kahit sa panahon ng pagdadalamhati ng ilan, nagagawa pa rin ng iba na tumuligsa at pumuna. Hindi dapat maging issue ang pagpapalit o hindi pagpapalit ng profile picture ng isang tao sa Facebook, may kalayaan siyang gawin ang sa tingin niya’y tama gaya ng kalayaan ng iba na tumuligsa at pumuna. Hindi rin issue ito kung kanino dapat ang simpatya ng mga tao. Hindi ito kompetisyon at wala rin dapat kinalaman ang relihiyon dito. Dahil ang terorismo ay walang kinikilalang relihiyon.

internetHindi natin maitatanggi ang kapangyarihan ng social media sa henerasyon ngayon. Basta’t may celphone ka lang na may internet ay kaya mo ng maging updated sa news at current events. Kaya mo na ring kamustahin ang mga kamag-anak mong nasa ibayong dagat. Kung business-minded ka, ang pagpo-promote mo ng iyong negosyo ay madali at mura na lang gamit ang social media. Pwede ka ring mag-level up at gamitin mo ang social media upang i-report ang pang-aabuso o kabulastugan ng kung sinong opisyal ng gobyerno. Maaari mo ring i-showcase ang iyong itinatagong talento for all the world to see. Malay mo, baka dito mo rin mahanap ang iyong “forever.” Lahat ito, magagawa mo sa pamamagitan lamang ng pagpindot ng iyong celphone o pagtipa sa iyong laptop. At sa isang iglap, kaya mo nang ipahayag ang iyong opinyon na maaaring makita ninuman saan mang sulok ng mundo.

Pero sabi nga nila, with great power comes great responsibility. Ang kapangyarihan ay pwedeng gamitin sa tama o mali.  Sad to say, marami ang umaabuso sa kapangyarihan ng social media. Marami ang gumagamit sa social media hindi upang magbigay ng tamang impormasyon, kundi ang kabaligtaran nito. Marami ang ginagamit ito upang maghasik ng kasinungalingan at iligaw ang taong bayan sa maling impormasyon.

Bago tayo malasing sa lakas ng tama ng social media sa buhay natin. Huwag sana natin kalimutan ang isang nagsusumigaw na katotohanan.

Hindi lahat ng nababasa at nakikita mo sa Facebook, Twitter o sa social media ay totoo.

Uulitin ko, hindi lahat ng nababasa at nakikita mo sa Facebook, Twitter o sa social media ay totoo. Kung naniniwala ka sa pangungusap na ito, congratulations! Dahil baka-sakaling isa ka sa mga taong marunong pa ring mag-isip at mag-analize ng impormasyon bago ito paniwalaan. Congratulations at malamang isa ka sa mga taong hindi madaling mauto at hindi nagpapagamit sa mga taong nagsusulong lamang ng kanilang pansariling interes.

Hindi lahat ng nababasa at nakikita mo sa social media ay totoo. Sana maisip mo ito bago mo i-share ang mga memes o unverified news reports na sumisira sa mga personalidad o institution. Napaka-simpleng bagay ang pagsi-share pero sa paggawa nito, tumutulong ka upang  ikalat ang paninira o propagandang ginawa ng kung sino. Hindi man ikaw ang pinagmulan nito, nagpagamit ka upang kumalat ang maling balita o paninira sa isang tao. Lugi ka pa, kasi yung gumawa ng black propaganda, malamang ay binayaran pero ikaw, nagamit ka ng libre. Isipin mo na lang kung ilang tao ang nasa friend’s list mo, ito ang dami ng tao na makakakita sa meme o report na ipinost mo.

Para itong virus, nahawaan ka na. Sa halip na patayin ang mikrobyo, nandamay ka pa at ikinalat mo pa sa iba.

Hindi lahat ng nababasa at nakikita mo sa social media ay totoo. Kahit videos ay maaaring manipulahin upang maging pabor o laban sa isang tao. Hindi mabilang na videos ang naka-upload sa kilalang video sharing site na gawa-gawa lang o propaganda lamang ng ilang kampo na nagsusulong ng kanilang agenda.

Hindi lahat ng nababasa at nakikita mo sa social media ay totoo. Hindi porket nakakatawa at marami ang nag-like at nag-share sa isang meme na nanlilibak sa isang kilalang personalidad ay gagaya ka na rin. Isipin mo na lang kung larawan mo o ikaw mismo yung nasa kalagayan nung biktima ng bashing, matutuwa ka ba?

Nakakalungkot lang isipin na kahit sa panahon ngayon na halos nasa dulo ng daliri na lamang ang pagkukunan ng tamang impormasyon marami pa rin ang naloloko at napapaniwala sa mga mapanlinlang na propaganda. Matuto tayong magsaliksik at mag-isip. Last time i checked, libre pa rin gamitin ang mga ito.

Hindi lahat ng nababasa at nakikita mo sa social media ay totoo. Sinadya kung ulit-ulitin ang pangungusap na ito upang matandaan natin. Ilang buwan na lang at eleksyon na naman. Sigurado akong malulunod tayo sa dami ng mga maling impormasyon at propaganda na babaha sa social media. Huwag sana tayong magpagamit sa kanila, maging responsable tayo sa paggamit ng share at like buttons natin. Isipin na lang natin na ang ating newsfeed o wall ay ating bakuran, gusto ba nating may nakakalat na basura sa ating bakuran?

Kaarawan

Happy Birthday Desktop Background

Ito ang nag-iisang araw sa kalendaryo na pwede mong akuin na sa iyo. Araw mo. Ito yung araw na una mong nasilayan ang liwanag sa mundong ibabaw. Ito yung araw na pinagmumura ng nanay mo ang tatay mo sa hospital dahil sa hirap mong iere dahil bata ka palang ay malaki na ang ulo mo.

Araw ng kapanganakan, birthday, natal day, kaarawan. I celebrated mine 2 weeks ago kaya ko naisipang sumulat ng tungkol dito. Since, hindi pa naman natatapos ang buwan na ito, and this is still my birth month, pwede pa nating ihabol ang post na ito.

Tatlong bagay ang pwede mong gawin kapag sumapit ang iyong kaarawan. Magdiwang, magmukmok o dedmahin ito.

Kung ikaw ay masyado pang bata o sobra ng tanda, wala kang ibang dapat gawin kung hindi magdiwang. Unang-una, kung ikaw ay bata pa, wala kang poproblemahin dahil ang mga magulang mo ang magiging abala upang maging espesyal ang araw na ito para sa iyo. Hindi mo problema kung may ihahanda ka. Tagatanggap ka lang ng regalo at tagangiti sa mga larawang ipangangalandakan ng magulang mo sa FB. Kung ikaw naman ay nasa takipsilim na ng iyong buhay o yung naghihintay ka na lang ng paglubog ng araw, ang mga anak mo naman ang bahalang mag-abala upang i-celebrate ang iyong kaarawan dahil alam nilang ilang pagkakataon na lang ang nalalabi sayong buhay. Alangan namang ikaw pa ang dumelihensya ng pangpa-party ng mga tropa mo. Hindi rin biro ang maabot mo ang milestones sa iyong buhay. Hindi lahat ng tao sa panahon ngayon ay umaabot ng 100 years.

Pero let’s talk about the ordinary birthdays, iyong binata ka o may asawa, may trabaho o tambay, may lovelife o naghahanap, nasa 20’s o 30’s, saka dumating ang iyong kaarawan…. now you have the option to choose, dapat ba itong i-celebrate, hindi o dedma?

Para sa iba, ang tanong ay ano nga ba ang dapat i-celebrate? Birthday na birthday nga naman niya pero senti mode ang mga status, nakipag-break pala ang kanyang syota. O kung kelan magbi-birthday ay saka natauhan ang kanyang asawa at iniwan siya. Ano ang dapat i-celebrate kung kelan magbi-birthday ay saka pa nasisante sa trabaho? Ni wala ngang panlibre ng kwek-kwek sa kanyang tropa.

Sa ayaw man at sa gusto natin, ang ating kaarawan ay isang mabisang paalala sa mga kapalpakan o achievements natin sa buhay. Nakakalungkot nga namang isipin na isang taon na naman ang madaragdag sa edad na ilalagay mo sa iyong bio-data pero wala ka namang maidagdag sa listahan ng mga accomplishments mo. Madadagdagan na naman ang edad mo pero ang timbang mo di pa rin nababawasan at ang pangarap mong heathy at sexy figure ay produkto pa rin ng iyong ambisyosang imahinasyon.

Ano nga bang dapat ipagdiwang kong wala namang nagmamahal at nagpapahalaga sayo? Naaalala lang ng mga taong birthday mo dahil sa libreng notification ng Facebook. Sinubukan mo na ring minsan na mag deactivate ng Facebook bago ang iyong birthday upang tingnan kung sino talaga ang mga totoo mong kaibigan na makakaalala ng birthday mo, pero epic fail din ang social experiment mo kasi si Jobstreet lang at ang paborito mong porn site ang bumati sayo sa birthday mo. Na-miss mo tuloy na mag-like at mag-comment sa mga birthday greetings na dati ay bumabaha sa wall mo sa tuwing sumasapit ang iyong kaarawan.

Sa kabaligtaran, kung may magagandang nangyayari sa buhay mo, you have all the reasons to celebrate. Wala na sigurong mas sasaya pa sayo, kung ipo-post mo ang picture niyo ng gf mo sabay status na, Finally, she said yes! O kaya naman ay pumasa ka sa board exam o after ten years ay graduate ka na. Sigurong box office sa likes ang status mo na may hashtag na #TYL o #thankyoulourd.

Datapwat, subalit para sa iba, dedma lang. Ang araw na ito ay lilipas din. Isa lang itong ordinaryong araw na may 24 oras, 1,440 minuto at 18,600 segundo. Hindi nga naman hihinto ang pag-inog ng mundo dahil birthday mo. Hindi maiibsan ang traffic at hindi malulutas ang mga problema ng lipunan dahil birthday mo. Huwag ka ring mag-ambisyon na dahil birthday mo ay magkaka-zero crime rate sa bansa.

At the end of the day, kaarawan mo ito. You can spend it any way you want it. Pero para sa akin, ang kaarawan ay isang araw na dapat ipagpasalamat. Hindi man lahat ng nangyayari sa buhay natin ay naaayon sa ating mga plano, ang kaarawan natin ay isang paalala na biniyayaan tayo ng oras upang maisakatuparan ang mga gusto nating gawin sa buhay at makasama ang mga taong mahal natin at mahalaga sa atin. Isang taon na naman ang lumipas ngunit nakatayo pa rin tayo at hindi sumusuko sa mga hamong dumarating sa ating buhay.

Wala ka mang natanggap na regalo mula sa mga mahal mo sa buhay, wag mong balewalain ang pinakamalaking regalo na natanggap mo. Buhay ka pa at iyon ang mahalaga.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 27 other followers