Samu't saring Kuro-kuro at Haka-haka

Archive for the ‘Maikling Kuwento’ Category

Aybol

YesICanAng maikling kwentong ito ay unang naipaskil sa wattpad.com.

PAAKYAT NA ang elevator sa pipitsuging hotel na iyon sa Cubao nang biglang balutin si Gelli ng mga pangamba. Kung kahapon ay tila sigurado na siya sa kanyang desisyon, ngayon  ay batbat na siya ng pag-aalinlangan.

Ito ang unang pagkakataon na magkikita sila ni Freddie, pagkatapos ng dalawang buwang relasyon sa internet at palitan ng texts.

May hagikhik siyang narinig at napasulyap siya sa isang babae na lulan din ng elevator. May kasama itong isang lalaki at magkahawak kamay ang dalawa at nagbubulungan simula pa noong sumakay sila sa elevator. Mag-asawa o magnobyo? Hindi na niya pinangahasang bigyan iyon ng kasagutan.

Gaya ng dalawang kasama niya sa elevator, alam niya kung ano ang maaaring kahantungan ng unang pagkikita nilang ito ni Freddie. Sa hotel? Bakit kailangang sa hotel agad? Iyon din ang tanong niya sa sarili noong una. Ngunit hindi na niya kailangang itanong sa lalaki kung bakit. Maliwanag pa sa sikat ng araw ang kasagutan.

Hindi naman na sila mga bata. Disinuebe anyos na siya at si Freddie ay mas matanda sa kanya ng 2 taon base sa pakilala nito sa kanya. Sa dalawang buwang palitan nila ng mensahe sa texts at pag-uusap sa telepono, hindi rin miminsang napag-usapan nila ang tungkol sa sex. Ngunit mas madalas, ang lalaki ang nagkukwento ng mga karanasan nito. Dahil ang totoo, wala pa siyang karanasan. Bagamat hindi niya ito maamin sa lalaki.

Bantulot man, nagpasya na siyang iakyat ang relasyon nila ni Freddie sa ibang antas. Level up, ika nga. Gusto na rin naman niyang may totoong boyfriend siyang matatawag na nahahawakan at naipapakilala sa ibang tao. Hindi iyong nakikita lang at nakakausap sa text. Hindi rin naman tatagal ang relasyon nila ni Freddie kung hindi niya nakagaangan ng loob ang lalaki.

Dumating sa buhay niya si Freddie sa panahong napakalungkot niya. Kahihiwalay lang ng kanyang ama at ina at ang kapatid niyang babae na sobrang malapit sa kanya ay kinailangang mangibang bansa. Sa mga panahong ito ay nakilala niya si Freddie.

Isang mensahe sa Facebook mula sa lalaki ang nagsimula ng lahat. Kaibigan daw ito ng isa niyang kakilala na naka-add sa kanyang friends list. Kung ano ang nag-udyok sa kanya upang tumugon sa mensahe ng lalaki ay hindi na niya matukoy ngayon. Malungkot siya noon at kailangan niya ng kaibigan.

Simula nga noon ay ito na ang naging hingahan niya ng sama ng loob at mga hinanakit sa buhay. Si Freddie ay laging handang makinig, laging may nakahandang encouraging words. Hindi  humuhusga at nanunumbat kahit na batid niyang minsan ay mali ang kanyang mga desisyon.

“San ka na.”

Text message iyon mula kay Freddie.

“malapit na.”

Room 418 ang pakay niya, sa fourth floor ng lumang gusaling iyon. Ewan niya kung bakit kung kelan gusto niyang pabagalin ang oras upang makapag-isip ay tila naman lalo itong nagmamadali. Huminto ang elevator sa fourth floor. Napabuntung hininga siya, napansin niyang nakatingin sa kanya ang dalawang pares ng mga matang lulan din ng elevator. Tila naiinip na ang mga ito.

“Sandali lang, puwede ba.” Gusto niyang sabihin. Sa tinginan kasi ng mga ito ay tila hindi na makapaghintay na isagawa ang ipinunta nila roon.

Ilang saglit pa ang nagdaan bago niya naihakbang ang mabibigat na paa palabas sa makipot na pasilyo ng hotel. Nagsimula siyang tumingin sa mga numerong nakapaskil sa mga pinto. 402, 404, 406. Sa tapat ng room 406 ay may dalawang taong naghahalikan. Ni hindi nga siya napansin ng mga ito. Nagpatuloy siya sa paglakad, 408, 410, 412, 414, 416.

Tumatambol ang kanyang dibdib. Matagal niyang tinitigan ang numerong nakatitik sa huling pinto.

418

Lucky number sa kanya ang mga ito. April 18 ang araw ng kanyang kapanganakan. Isa ba itong sign? Tutuloy ba siya o hindi?

Alam niyang sa oras na katukin niya ang pintong ito, hindi na siya makakaatras pa. At hindi na rin niya maibabalik pa ang oras na ito.

Ano nga ba ang big deal sa gagawin niya? Makabago na ang panahon ngayon, ang bilang ng mga kabataang nagsasagawa ng pre-marital sex ay mas mataas pa yata sa literacy rate ng bansa.

Naalala niya ang madalas na sabihin ng kanyang ina.

“Irespeto mo ang iyong sarili kung gusto mong irespeto ka ng iba. “

“Kahit nagkahiwalay kami ng tatay mo, naniniwala pa rin ako na sagrado ang kasal. Ang  pinakamagandang regalo na maihahandog mo sa lalaking magdadala sayo sa altar ay ang kalinisan ng iyong pagkababae. Hindi mo kailangang magmadali. Kung hindi kayang maghintay ng lalaki na kayo ay maikasal muna, kung hindi ka niya kayang pakasalan muna, hindi siya karapatdapat sa’yo.”

Naputol ang kanyang pagmumuni-muni nang makarinig siya ng pagkalabog sa loob ng kuwarto. Nag-panic na siya. Mabilis siyang tumakbong palayo, pabalik sa elevator. Nang makita niyang nasa ground floor pa iyon ay pinili nya ang hagdanan. Tila may naulinigan siyang tinig na tumawag sa kanyang pangalan ngunit hindi niya iyon pinansin.

Nang tuluyan siyang makalabas ng gusali ay saka lamang siya nakahinga ng maluwag.

“asan ka na?”

“baka ito na ang huling chance natin na magkita”

Ilang sandali pa ay tumatawag na ito. Ngunit di magkandatutong pinatay ni Gelli ang kanyang celphone. Buo na ang kanyang pasya. Hindi niya kaya.

KINABUKASAN ay halos panawan si Gelli ng ulirat nang makita ang balita sa  telebisyon. Isang lalaki ang natimbog ng mga otoridad matapos maaktuhan na nakikipagtalik sa isang menor de edad sa isang motel sa Cubao. Modus operandi umano ng lalaki ang makipag textmate sa mga babae at pagkatapos ay makikipagkita at doon ay pagsasamantalahan at pagnanakawan ang biktima. Lalo siyang nanghina nang makita ang mugshot ng lalaki at ang pamilyar na itsura ng hotel kung saan nahuli ang lalaki. Ito ang mismong hotel na pinuntahan niya kahapon at ang mukha ng suspek ay hindi maipagkakailang kamukha ng larawang ipinadala sa kanya ni Freddie!

Advertisements

Message Sent

Ang maikling kwentong ito ay unang naipaskil sa wattpad.com.

“Dinner tayo sa Max later, mga 8pm, gaya ng dati. I miss you.”

Ito ang text message na natanggap ni Jenny mula sa kanyang asawa. Ilang ulit na niyang tinunghayan ang mensahe sa pagbabakasakaling magbago ang nakalagay doon ngunit hindi natinag ang mga letrang nakasulat doon.

Hindi naman sa ayaw niyang makipagkita kay Rudy. Ang totoo, hindi niya maipaliwanag ang saya at pananabik na nararamdaman. Ngunit mas higit ang kanyang pagkasorpresa. Kailan pa ba ang “gaya ng dati” na binabanggit nito. Tatlong taon na yata kung tama ang kanyang pagkakatanda.

Sa restaurant na iyon sila madalas nagde-date noong magkasintahan pa lang sila at noong bago pa lamang mag-asawa. Doon din isinagawa ang reception nila noong sila ay ikinasal. Mahigit tatlong taon na ang nakararaan.

Gaya ng ibang mag-asawa, dumaan sila sa maraming pagkakataon na sinubok ang tibay ng kanilang pagsasama. Sana nga lamang ay masasabi niyang mas tumibay ang kanilang samahan pagkatapos ng mga pagsubok na iyon.

Pakiramdam niya kasi ay habang tumatagal tila lumalayo ang loob sa kanya ng asawa. Tila lumalamig ang pakikitungo nito sa kanya.

Aminado naman siyang hindi siya perpekto, marami siyang mga pagkukulang. Ngunit sinusubukan naman niyang punan ang mga pagkukulang na ito. Hindi lang niya alam kung sapat ang mga iyon para sa kanyang asawa.

Ang kawalan niya ng kakayahang magkaanak ang pinakamalaking dagok sa kanilang relasyon. Paglipas ng dalawang taon matapos silang ikasal ay napilit siya ng lalaki na magpatingin sa doktor at doon nga nakumpirma na hindi siya pwedeng magbuntis bunga ng congenital defects sa kanyang fallopian tube.  Sinubukan din nilang kumuha ng second opinion ngunit lalo lamang nakumpirma ang kanilang pinangangambahan.

Akala niya noon ay guguho na ang kanyang mundo. Batid niya kung gaano kasabik ang kanyang asawa na magkaroon ng anak. At determinado siyang gawin ang lahat upang magkaroon ito ng katuparan. Ngunit paano kung ganito ang kanyang kalagayan?

Noong una’y inalo siya ni Rudy sa pagsasabing pwede naman silang maging masaya nang sila lamang dalawa at bukas naman ito sa posibilidad na sila’y mag-ampon ng bata na kukumpleto sa kanilang pamilya.  Ngunit hindi niya maiwasang makaramdam ng awa sa sarili at pangamba na anumang oras ay iiwan siya ng kanyang asawa.

Lalo pang tumindi ang kanyang mga pangamba nitong mga huling buwan nang makita niyang tila pinipilit ni Rudy na isubsob ang sarili sa trabaho. Lagi itong nasa out of town trips, maagang umaalis ng bahay at gabi na kung dumarating. Pakiramdam na niya’y ayaw na siya nitong makita.

Lagi na lamang siyang naiiwang mag-isa sa bahay na lalo pang nagpatindi sa nararamdaman niyang kahungkagan. Abot -langit ang dasal niya na malampasan nilang mag-asawa ang pagsubok na ito sa kanilang pagsasama. Araw-araw ang kanyang dasal na mangibabaw ang pagmamahalan nila sa isa’t isa sa kabila ng kakulangan sa kanilang pagsasama.

Ang text message na natanggap niya nang hapon na iyon ang tila sagot sa kanyang mga dasal. Alam niyang marami pa silang kailangang ayusin at pag-usapan ng asawa ngunit ang text message na iyon ay isang malaking hakbang tungo sa pagsasaayos ng kanilang relasyon.

Ilang ulit pa niyang binasa ang mensahe sa kanyang celphone bago siya nagdesisyong kumilos na at mag-ayos. Gagawin niyang perpekto ang lahat sa gabing iyon. Mag-aayos siya at magpapaganda, ibabalik niya ang dating Jenny na unang inibig at pinakasalan ng kanyang asawa.

ALAS SAIS pa lang ay excited na si Rudy sa nakatakda nilang dinner date. Pagkatapos ng anim na araw na pagpapakakuba sa mga trabaho sa opisina at dagdag na stress sa bahay, sa wakas ay makakapag-relax na rin siya. Ipinangako niya sa sarili na magiging perpekto ang gabing ito at ang kabuuan ng kanilang weekend.

Nasisiguro niyang matutuwa ang babae sa sorpresa niya rito. Makakabawi na rin siya. Ilang araw na nga ba silang hindi nagkikita nito? Kailan pa ba noong huli silang lumabas? Ah, hindi na ito mahalaga. Ang importante ay ibibigay niya ang buong weekend niya rito. At ipapaalam na rin niya dito ang kanyang desisyon: ang balak niyang sila’y magpakalayo-layo at magbagong buhay sa malayong lugar.

Matagal na rin naman ang relasyon nila ni Gemma at dala nito sa sinapupunan ang katuparan ng kanyang mga pangarap na magkaroon ng masaya at kumpletong pamilya.

Inilabas niya ang kanyang celphone upang i-check kung nasaan na ang babae. Ngunit napamura siya nang makitang ang text message sa Sent Items ng kanyang celphone. Ang message na para sana kay Gemma ay naipadala niya sa kanyang asawa!

END

The Text Message

“Someday, someone will walk into your life and make you realize why it never worked out with anyone else.”

~ Anonymous

The number you have dialled is either unattended or out of coverage area. Please try your call later.

Ito ang natanggap niyang tugon nang muling i-dial ang numerong kanina pa niya tinatawagan.

Malungkot na ibinaba ni Emily ang kanyang telepono. Hindi pa rin niya makontak si Jake. Ilang araw na nga ba? Apat na araw? Pakiramdam niya nga’y parang isang linggo na. Apat na araw na wala siyang natatanggap na tawag o kahit na text man lang mula sa lalaki. Hindi na rin mabilang na text ang ipinadala niya rito pero wala syang natanggap na kahit isang tugon.

Pinasahan niya na rin ng load ang lalaki para lamang mabawasan ng isa ang mga rason kung bakit hindi nito magawang tumawag o magtext sa kanya. Ngunit wala pa rin. Dati-rati ay nagte-text lamang sya o tumatawag kapag importanteng-importante ang pakay niya, hindi siya gaya ng ibang babae na halos oras-oras ay nagtetext sa kanilang asawa o boyfriend. Ayaw niya rin kasing mainis ang lalaki. Baka kasi nasa meeting ito o kaya’y may napakaimportanteng bagay na ginagawa.

Ngunit ngayon ay wala na siyang pakialam kung mabuwisit ito sa kanya. May karapatan naman siguro siyang mag-alala. Malay ba niya kung napano na ito. Sa dalawang taon na itinagal ng kanilang relasyon, ngayon lang naman ito nangyari. Konti na lang at baka mapilitan na siyang sumugod sa opisinang pinagtatrabahuan nito.

(more…)