Samu't saring Kuro-kuro at Haka-haka

Archive for the ‘Uncategorized’ Category

Panahon ng mga Pangakong Napapako

Ang Eleksyon sa Pilipinas ay panahon ng mga pangako. Mga pangakong nakakatawa, nakaiinis at ang iba’y nakaaawa. Para silang mga timang na manliligaw, ang mga kandidatong ito ay ipapangako ang lahat masungkit lang ang matamis na oo ng kanilang sinisintang liyag. Para sa bayan daw, sabi nila, give me a break! May malasakit daw, utot niyo! May puso raw, %$&&* niyo!

Come to think of it, ang tatagal na ng mga taong ito sa gobyerno (bukod dun sa isa na matagal munang nagsilbi sa ibang bansa bago naalalang siya pala ang tagapagligtas ng mga Pinoy, na may puso!), ngayon lang nila naisip ang mga ipinapangako nila? Pwede naman pala, bakit hindi nila nagawa? Kung talagang may malasakit sa bayan, bakit noong mayor ka o senador ka, hindi ka man lang nagmalasakit at ibinulong sa presidente na ito ang gawin natin. Kailangan mo talaga maging presidente?

Baka sabihin ng mga kandidatong ito, iba ‘yung ikaw ang presidente, iba when you’re the one calling the shots. This is precisely my next point, iba yung kandidato ka pa lang, iba na kapag presidente ka na. Nagtataka ka kung bakit hindi natutupad ng mga nagdaang presidente ang mga naipangako nila noong nangangampanya pa sila? Ano, trip lang nila na isipin natin na wala silang balls at wala silang isang salita? Hindi pa naman ako nagiging presidente, pero tingin ko lang, kapag presidente ka na, then you will see a whole new different perspective. A perspective that only 1 in every 100 million Filipinos can enjoy.

We must remember that there are 3 branches of the government, executive, legislative and the judiciary. Being a president is a balancing act, dapat ang mga hakbang na gagawin mo hindi sasaklaw sa trabaho at mandato ng legislative at sa judiciary. Ito rin ang dahilan kung bakit may mga batas na gusto ng presidente na maipatupad ngunit hindi naipapasa sa kongreso. Ang kongreso ay supposed-to-be an independent body, at daan-daan ang kinatawan dito, mga kinatawang may kani-kaniyang interes, paniniwala at antas ng kasakiman. Actually, palaisipan nga sa akin kung paanong may batas silang naipapasa kung sa pamilya nga na may anim na miyembro ay mahirap magkasundo.

Suffice it to say that when you’re a president, you don’t make haphazard decisions, (at least you’re not supposed to) lahat dapat dumadaan sa consultations kaya nga maraming cabinet secretaries at advisers e. Legal ba ang gagawin natin? Will this violate the constitution? Hindi puwede yung, ibigay ito kay ganito, itumba si ganun! Hindi sindikato ang pinapatakbo mo, boy.

Isa sa mga nakakatawang pangako ay ito, and I quote: Itaga niyo sa bato, anim na buwan, krimen, corruption at droga, wala na dito sa inyong lugar, wala na sa Luzon, Visayas at Mindanao! Whoah! San ka pa? Kung may Guiness Book of World record siguro sa pinakamatinding pangako sa eleksyon, ito na yun. Dis is it! Pak na pak, sabi ng mga beks! Kung hindi mo nakikita ang nakakatawa sa sinabi ng magaling na kandidato, pakibasa ulit o panoorin mo ulit ang video para dumami ang views. There was no holding back, hindi man lang sinabi na babawasan ng 50%, itinodo talaga! Wala na, zero, nil, itlog, bokya! Was he speaking in a different language? Dahil kung tagalog ito, iisa lang ang interpretasyon ko. How absurd! Now, tanungin mo ang sarili mo? Naniniwala ka sa pangako nito? O better yet, uto-uto ka ba?

Mataas ang pagtingin ko dati sa kandidatong ito but this campaign battle cry is a great disservice to him, and it is a glaring proof of ignorance. Ignorance sa lalim at sa ugat ng problema, kamangmangan sa tunay na estado ng mga abang maralita.  Ano ‘to, kaya mataas ang krimen dahil trip trip lang ng mga taong magnakaw at pumatay? Bored na sila kaya nagnanakaw at nangingidnap?

Mind you, crime is not a new discovery. Kung di ako nagkakamali, it started during biblical times, corruption or some forms of it, are also depicted in the Bible. And they will end it in 6 months! Ridiculous is it? It’s even blasphemous in my book! Only in the Philippines! Gusto kong pagsabayin ang facepalm at slow clap, di ko lang alam kung paano. Hindi pa nga ito nagagawa sa ibang bansa na mas may mga disiplinado at makabayang mamamayan. Following this train of thought, di ako magtataka kung ang susunod na TV ad nila ay ipapangako na nila na maging superpower gaya ng US ang Pilipinas bago matapos ang kanilang termino. Ano pa ang hinihintay niyo? Itodo niyo na!

Ironically, itong kandidatong ito ay sumisigaw ng pagbabago. But I can’t see any changes on this same old campaign tactic of deceiving voters by rhetorics. I can see the handiwork of a trapo all over this strategy, it was even brought to an extreme level.

Let me make this clear, I’m not campaigning against a particular candidate, not at this time. If you think he or she is the right guy for the job, then please vote for him/ her. Pero huwag kang hopia, huwag kang umasa na matutupad ang mga pangako nila. Hindi sila ang magliligtas sayo sa kahirapan at mag-aangat sa lugmok na kalagayan ng bansa. Dahil I’m telling you, mabibigo ka lang. They will try to keep their promises but they will fail. Because that’s the way it is. Wala tayo sa dream land, ang mga problema ng bansa ay hindi masosolusyunan ng isang kumpas ng magic wand.

Tumingin ka sa paligid mo, yung jeepney driver na nagsakay sa maling sakayan, yung ale na tumawid sa maling tawiran, yung malakas mangampanya sa FB sa kandidato niya pero malakas din maglagay sa MMDA enforcer. Ang mga taong ito ay may sariling mga interes at kani-kaniyang problema sa buhay. Hindi nila uunahin ang problema ng bansa, uunahin nila ang sarili nilang problema. I-multiply mo ang sitwasyong ito ng isandaang milyong beses at makikita mo ang tunay na sitwasyon ng bansa.

Ang isang pangakong natitiyak kong hindi mapapako ay ito: kung kikilos ka at magsusumikap na maabot ang mga pangarap mo sa buhay, hindi maglalaon at masusuklian ang iyong pagod at matitikman mo ang tamis ng tagumpay. Pangako nga ng isang Amerikanong politiko: Through hard work, perseverance and a faith in God, you can live your dreams.

Advertisements

Usapang Facebook DP

dpMalaking issue ngayon sa social media, bukod sa malagim na trahedya sa Paris, ang trapik na idinudulot ng APEC sa Pilipinas at ang kontrobersyal na panayam kay Alma Moreno, ay ang paglalagay ng bandila ng France sa profile picture sa Facebook ng marami upang makisimpatya sa mga biktima ng pag-atake sa nasabing bansa. 

Reklamo ng iba, halos araw-araw ay may mga namamatay dahil sa terorismo sa iba’t ibang panig ng mundo ngunit bakit hindi gumawa ang Facebook ng temporary profile picture para sa mga bansang ito? Lingid sa iba, isa ring pag-atake ang naganap sa Beirut sa parehong araw na inatake ang Paris na kumitil ng mahigit sa apatnapung buhay. Ano nga ba ang meron sa France?

Since hindi naman ako konektado sa Facebook, lahat ng mga sasabihin ko dito ay pawang mga kuro-kuro at haka haka lamang. Kung may problema kayo sa mga mababasa niyo, gawa rin kayo ng sarili niyong blog haha.

Ito ang unang pagkakataon na gumawa ng ganito ang Facebook. Nagkataon marahil na “trending” at mas marami ang interesado sa paksang ito kaya ito ang kanilang pinagtuunan ng pansin. Sa tingin mo ba magkakainteres ang Facebook sa isanlibong tumatalakay sa interview ni Alma Moreno gayong may isang milyong nagpapahayag ng kalungkutan sa nangyari sa Paris? Huwag din natin kalimutan na ang Facebook ay isang kompanyang nakabase sa America, hindi kataka-takang mas makisimpatya ito sa bansang kapitbahay at kaalyado ng kanilang bansa. 

Ang France ay itinuturing na beacon of democracy sa Europa. Para sa ilan, kung ang bansang ito ay nagawang atakihin ng mga terorista, ano ang makapipigil na mangyari ito sa mga bansang walang kakayahang protektahan ang sariling teritoryo gaya ng Pilipinas.

Bakit nga ba ganun na lang ang reaksyon ng social media sa nangyari sa France gayong halos araw-araw ay may mga namamatay dahil sa karahasan o terorismo sa mga bansa sa Gitnang Silangan? Picture this. Halimbawang may dalawang bomba ang sumabog sa Pilipinas (knock on wood), isa sa isang maliit na baryo sa Mindanao at isa sa gitna ng business district sa Metro Manila. Sa palagay mo, alin ang mas pag-uusapan at saan ang pagtutuunan ng pansin ng media? Saan mapupunta ang simpatya ng mga tao?  Tanggapin natin ang katotohanan na kung pangkaraniwan na lang ang karahasan sa isang lugar, hindi man dapat ay tila lumalamlam ang simpatya ng mga tao. 

Kahit sa anong relihiyon, mahalaga ang buhay. Walang karapatan ang sinuman na kitilin ang buhay ng kanyang kapwa maging sa ngalan ng relihiyon o ideolohiya.  Marapat lamang natin ipagdasal ang mga taong naging biktima ng karahasan saan mang sulok ng mundo. Hindi rin ako sang-ayon sa tinatawag nilang selective sympathy. Pero we can only do so much. And selective sympathy is better than apathy. Gustuhin man natin, hindi naman pwedeng magpalit tayo ng profile pic sa bawat insidente ng karahasan na magaganap sa alinmang bansa. Isa pa, ang pakikiramay ay ginagawa ng kusang loob at hindi ipinipilit. Imaginin niyo na lang na nakiramay ka sa isang malapit na kapitbahay na namatayan, makatuwiran ba na usigin ka ng isa mo pang kapitbahay kung bakit hindi ka nakiramay sa kanya noong siya naman ang namatayan?

Nakakalungkot isipin na kahit sa panahon ng pagdadalamhati ng ilan, nagagawa pa rin ng iba na tumuligsa at pumuna. Hindi dapat maging issue ang pagpapalit o hindi pagpapalit ng profile picture ng isang tao sa Facebook, may kalayaan siyang gawin ang sa tingin niya’y tama gaya ng kalayaan ng iba na tumuligsa at pumuna. Hindi rin issue ito kung kanino dapat ang simpatya ng mga tao. Hindi ito kompetisyon at wala rin dapat kinalaman ang relihiyon dito. Dahil ang terorismo ay walang kinikilalang relihiyon.

Kaarawan

Happy Birthday Desktop Background

Ito ang nag-iisang araw sa kalendaryo na pwede mong akuin na sa iyo. Araw mo. Ito yung araw na una mong nasilayan ang liwanag sa mundong ibabaw. Ito yung araw na pinagmumura ng nanay mo ang tatay mo sa hospital dahil sa hirap mong iere dahil bata ka palang ay malaki na ang ulo mo.

Araw ng kapanganakan, birthday, natal day, kaarawan. I celebrated mine 2 weeks ago kaya ko naisipang sumulat ng tungkol dito. Since, hindi pa naman natatapos ang buwan na ito, and this is still my birth month, pwede pa nating ihabol ang post na ito.

Tatlong bagay ang pwede mong gawin kapag sumapit ang iyong kaarawan. Magdiwang, magmukmok o dedmahin ito.

Kung ikaw ay masyado pang bata o sobra ng tanda, wala kang ibang dapat gawin kung hindi magdiwang. Unang-una, kung ikaw ay bata pa, wala kang poproblemahin dahil ang mga magulang mo ang magiging abala upang maging espesyal ang araw na ito para sa iyo. Hindi mo problema kung may ihahanda ka. Tagatanggap ka lang ng regalo at tagangiti sa mga larawang ipangangalandakan ng magulang mo sa FB. Kung ikaw naman ay nasa takipsilim na ng iyong buhay o yung naghihintay ka na lang ng paglubog ng araw, ang mga anak mo naman ang bahalang mag-abala upang i-celebrate ang iyong kaarawan dahil alam nilang ilang pagkakataon na lang ang nalalabi sayong buhay. Alangan namang ikaw pa ang dumelihensya ng pangpa-party ng mga tropa mo. Hindi rin biro ang maabot mo ang milestones sa iyong buhay. Hindi lahat ng tao sa panahon ngayon ay umaabot ng 100 years.

Pero let’s talk about the ordinary birthdays, iyong binata ka o may asawa, may trabaho o tambay, may lovelife o naghahanap, nasa 20’s o 30’s, saka dumating ang iyong kaarawan…. now you have the option to choose, dapat ba itong i-celebrate, hindi o dedma?

Para sa iba, ang tanong ay ano nga ba ang dapat i-celebrate? Birthday na birthday nga naman niya pero senti mode ang mga status, nakipag-break pala ang kanyang syota. O kung kelan magbi-birthday ay saka natauhan ang kanyang asawa at iniwan siya. Ano ang dapat i-celebrate kung kelan magbi-birthday ay saka pa nasisante sa trabaho? Ni wala ngang panlibre ng kwek-kwek sa kanyang tropa.

Sa ayaw man at sa gusto natin, ang ating kaarawan ay isang mabisang paalala sa mga kapalpakan o achievements natin sa buhay. Nakakalungkot nga namang isipin na isang taon na naman ang madaragdag sa edad na ilalagay mo sa iyong bio-data pero wala ka namang maidagdag sa listahan ng mga accomplishments mo. Madadagdagan na naman ang edad mo pero ang timbang mo di pa rin nababawasan at ang pangarap mong heathy at sexy figure ay produkto pa rin ng iyong ambisyosang imahinasyon.

Ano nga bang dapat ipagdiwang kong wala namang nagmamahal at nagpapahalaga sayo? Naaalala lang ng mga taong birthday mo dahil sa libreng notification ng Facebook. Sinubukan mo na ring minsan na mag deactivate ng Facebook bago ang iyong birthday upang tingnan kung sino talaga ang mga totoo mong kaibigan na makakaalala ng birthday mo, pero epic fail din ang social experiment mo kasi si Jobstreet lang at ang paborito mong porn site ang bumati sayo sa birthday mo. Na-miss mo tuloy na mag-like at mag-comment sa mga birthday greetings na dati ay bumabaha sa wall mo sa tuwing sumasapit ang iyong kaarawan.

Sa kabaligtaran, kung may magagandang nangyayari sa buhay mo, you have all the reasons to celebrate. Wala na sigurong mas sasaya pa sayo, kung ipo-post mo ang picture niyo ng gf mo sabay status na, Finally, she said yes! O kaya naman ay pumasa ka sa board exam o after ten years ay graduate ka na. Sigurong box office sa likes ang status mo na may hashtag na #TYL o #thankyoulourd.

Datapwat, subalit para sa iba, dedma lang. Ang araw na ito ay lilipas din. Isa lang itong ordinaryong araw na may 24 oras, 1,440 minuto at 18,600 segundo. Hindi nga naman hihinto ang pag-inog ng mundo dahil birthday mo. Hindi maiibsan ang traffic at hindi malulutas ang mga problema ng lipunan dahil birthday mo. Huwag ka ring mag-ambisyon na dahil birthday mo ay magkaka-zero crime rate sa bansa.

At the end of the day, kaarawan mo ito. You can spend it any way you want it. Pero para sa akin, ang kaarawan ay isang araw na dapat ipagpasalamat. Hindi man lahat ng nangyayari sa buhay natin ay naaayon sa ating mga plano, ang kaarawan natin ay isang paalala na biniyayaan tayo ng oras upang maisakatuparan ang mga gusto nating gawin sa buhay at makasama ang mga taong mahal natin at mahalaga sa atin. Isang taon na naman ang lumipas ngunit nakatayo pa rin tayo at hindi sumusuko sa mga hamong dumarating sa ating buhay.

Wala ka mang natanggap na regalo mula sa mga mahal mo sa buhay, wag mong balewalain ang pinakamalaking regalo na natanggap mo. Buhay ka pa at iyon ang mahalaga.

Sisi

blameBahagi na yata ng naturalesa nating mga tao na isisi sa iba o sa kahit anong bagay ang kapalpakan o di magandang nangyayari sa buhay natin. It’s human nature, ika nga.

Kapag iniwan ka ng minamahal mo, marami kang pwedeng sisihin. Payo nga sa kanta ng Milli Vanilli:

blame it on the rain, 

blame it on the stars, 

but whatever you do, 

don’t put the blame on you

Sumangayon naman dito si Calvin Harris, kaya nanindigan siya sa kanyang awitin.

Blame it on the night, don’t blame it on me

Hindi rin nagpatalo at naging mas creative si Jamie Foxx.

Blame it on the goose

Blame it on the Alcohol

Ilan lamang ito sa mga kantang nagpapatunay kung gaano tayo kagaling na ipasa ang sisi sa iba. May mga pelikula rin at ilang mga libro na ang pamagat ay Blame, ngunit hindi ko na iisa-isahin.

Huwag na rin tayong lumayo, magbasa ka na lang ng TV o manood ng radyo at siguradong makikita mo kung paano magbatuhan ng sisi ang ating mga lider sa mga kapalpakang nangyayari sa pamahalaan o sa ating bansa. Okey, may mali sa huling pangungusap na naisulat ko. Kasalanan ng dyaskeng keyboard!

Maging tayong mga simpleng mamamayan ay guilty sa blame game.

Madaling isisi sa gobyerno o sa nakaupong presidente kung bakit bulok ang sistema ng lipunan, kung bakit marami ang walang trabaho, kung bakit masikip sa MRT at traffic sa EDSA at kung bakit bumabaha sa Malabon kapag may dalawang kabayong umihi ng sabay. Ngunit sa isang banda, naitanong ba natin sa ating sarili kung ano naman ang naiambag natin sa ating lipunan upang mapabuti ito? May naitulong ba tayo upang mabigyan ng solusyon ang mga problema o bahagi pa tayo ng suliranin?

Baka naman reklamo tayo ng reklamo sa traffic pero simpleng pagsunod sa batas trapiko  ay di natin magawa. Sinisisi natin ang gobyerno na hindi masolusyonan ang baha sa ating lugar pero isa tayo sa mga walang pakundangang nagtatapon ng basura kung saan saan. Ngawa tayo ng ngawa sa social media kung gaano ka-corrupt ang ating mga lider pero isa naman tayo sa mga paulit-ulit na naghahalal sa kanila tuwing eleksyon.

Okey, para kang napagtakluban ng langit at lupa kasi ay wala kang date nung Valentine’s day or sa galit ay NBSB ka. No boyfriend since birth, timang. Tama ka, kasalanan ni Pnoy! O baka kasalanan din ng makapangyarihan mong putok sa kilikili, ng masangsang mong hininga o ng umaalog mong bilbil sa tiyan. Pero anong ginawa mo upang patahanin o tuluyang puksain ang mga special effects mong ito? Ano, wala lang effort?

Sa ating personal na mga buhay, hindi rin mawawala ang sisihan. Kasalanan ni babae kung bakit nagloko si lalaki and vice versa. Nakukulili na ang taenga ni mister sa pagna-nag ni misis kaya sumakabilang bahay siya. Laging subsob si mister sa trabaho at halos wala ng oras kay misis kaya nakalimot ang babae at sumama kay kumpare.

Mayroon akong kilala na isinisisi nya sa pamilya at mga kaibigan ng kanyang asawa kung bakit nasira ang kanyang pamilya at iniwan siya ng kanyang asawa.  Ngunit di siya nag-abalang tanungin ang sarili kung ano ang nangyari, kung ano ang ginawa o hindi niya ginawa at nangyari ito sa kanya. Nakalimutan yata niyang kailangan niya ring magtrabaho upang mabuhay ng disente ang kanyang pamilya at di umaasa na lang sa iba, e di sana’y hindi nakaisip na mangibang-bansa ang kanyang asawa at hindi nito makikilala ang OGL nito. One Great Love, duh!

Marami sa atin ang sa halip na magsumikap upang mapabuti ang ating kondisyon ay mas pinag-uukulan natin ng panahon na isisi sa iba ang ating kalagayan o kinahantungan. Nalilimutan yata natin na kung nasaan man tayo ngayon, malaking bahagi nito ay bunga ng ating mga desisyon sa buhay. Oo, may mga tao o pangyayari na naging instrumento o naging daan upang masadlak tayo kung nasaan man tayo ngayon ngunit sa huli desisyon pa rin natin kung magpapatangay tayo sa kung saan tayo dinadala ng agos o kung paglalabanan natin ito upang di tayo matangay at tuluyang malunod.

Madaling isisi sa iba ang ating mga kasawian sa buhay. Sa isang banda, mekanismo ito upang hindi maging ganun kasidhi ang epekto ng kabiguan sa ating ego o sa ating pagpapahalaga sa sarili. Ngunit aminin man natin o hindi, mas may dignidad sa pag-ako ng responsibilidad at pagtanggap ng pagkakamali. Sabi nga ng isang quote na natisod ko sa internet, “At the end of the day, you are solely responsible for your success and your failure. And the sooner you realize that, you accept that, and integrate that into your work ethic, you will start being successful. As long as you blame others for the reason you aren’t where you want to be, you will always be a failure.”

Balik-tanaw

Ala-una ng madaling araw dito sa Doha, Qatar. Tahimik ang paligid. Tanging ang tunog na nagmumula sa de-bateryang orasan sa dingding ang pumupunit sa katahimikan ng gabi. Manaka-naka ay maririnig din ang pabugso-bugsong pagbuga ng hangin, na tila sa isang matandang pagod, ng mapagkakatiwalaang airconditioning unit. Kung mataman kang makikinig, mauulinigan din ang mahinang paghihilik ng matabang mama sa kapitbahay at ang pagbubulungan ng sweet-nothings ng magdyowa sa kabilang silid. 38 degree celcius ang temperatura sa labas, base sa aking smartphone pero sagad sa buto ang artipisyal na lamig na idinudulot ng aircon.

Pero, parang suwerte, mailap sa akin ang pagtulog sa gabing ito. Dalawang oras na akong nakahiga at ipinaghehele ng patuloy na pagtiktak ng orasan habang pilit na hinahanapan ng sagot ang mga umuukilkil na katanungan ng aking utak, ngunit hindi pa rin ako dungawin ng antok. Ano nga ba ang misyon ko sa mundong ibabaw? Bakit ako ipinanganak na pogi? Bakit may puso ang saging? Bakit may mga tao namang walang puso? What is the essence of being a woman? Who is your crush?

Sa huli ay nangibabaw pa rin ang aking katinuan at nagpasya akong bumangon. Hanggang sa maagaw ang aking atensyon ng laptop sa ibabaw ng study table na matagal ko na ring hindi nagagamit, ito ang aking matapat na kaulayaw noon sa aking pagba-blog.

Naisip ko tuloy, kailan ba ako huling nakapagsulat? Kailan ko huling na-update ang aking blog? At least, ang mga tanong na ito ay kaya kong bigyan ng maayos na kasagutan kumpara sa mga naunang tanong sa aking kukote.

Narito ang aking pagbabalik-tanaw sa ilang taon na ring nalakbay ng blog na ito:

Pebrero 18, 2013 ang huling paskil sa blog na ito na may pamagat na “Shortcut.”
November 19, 2011 ang unang post sa blog na ito na aking pinamagatang “Birth Pains.”

32 ang kabuuang bilang ng paskil sa blog na ito mula simula.

12,701 kabuuang bilang ng post views.

6,878 kabuuang bilang ng mga bumisita sa blog na ito.

Blaglagan Stats

Sa aking personal na buhay, malayo-layo na rin ang aking narating kung susumahin, mula noong simulan ko ang blog na ito. Noon ay isa pa akong hamak na empleyado sa isang call center sa Pasig. Ngayon ay isa pa rin akong hamak na empleyado sa isang telecom company sa Doha, Qatar. Single pa ako noong simulan ko ang blog na ito. Ngayon ay kasal na sa babaeng aking pinakamamahal (alam kong mababasa niya ito hehe).

Marami tayong mga bagay na naisasantabi dahil sa nagbabago nating priorities sa buhay. Pero mayroong mga bagay na isantabi man natin, nakapag-iwan na ito ng marka sa ating buhay at mananatiling bahagi ng ating buhay at pagkatao. Ang blog na ito ay naging kaagapay ko sa paglalakbay ko sa buhay na ito ng halos apat na taon. Apat na taon ng aking buhay na hindi na maibabalik kailanman at maaari na lamang alalahanin at sariwain sa pamamagitan ng mga letra at salitang nakapaskil sa mga pahina ng blog na ito.