Samu't saring Kuro-kuro at Haka-haka

Aybol

YesICanAng maikling kwentong ito ay unang naipaskil sa wattpad.com.

PAAKYAT NA ang elevator sa pipitsuging hotel na iyon sa Cubao nang biglang balutin si Gelli ng mga pangamba. Kung kahapon ay tila sigurado na siya sa kanyang desisyon, ngayon  ay batbat na siya ng pag-aalinlangan.

Ito ang unang pagkakataon na magkikita sila ni Freddie, pagkatapos ng dalawang buwang relasyon sa internet at palitan ng texts.

May hagikhik siyang narinig at napasulyap siya sa isang babae na lulan din ng elevator. May kasama itong isang lalaki at magkahawak kamay ang dalawa at nagbubulungan simula pa noong sumakay sila sa elevator. Mag-asawa o magnobyo? Hindi na niya pinangahasang bigyan iyon ng kasagutan.

Gaya ng dalawang kasama niya sa elevator, alam niya kung ano ang maaaring kahantungan ng unang pagkikita nilang ito ni Freddie. Sa hotel? Bakit kailangang sa hotel agad? Iyon din ang tanong niya sa sarili noong una. Ngunit hindi na niya kailangang itanong sa lalaki kung bakit. Maliwanag pa sa sikat ng araw ang kasagutan.

Hindi naman na sila mga bata. Disinuebe anyos na siya at si Freddie ay mas matanda sa kanya ng 2 taon base sa pakilala nito sa kanya. Sa dalawang buwang palitan nila ng mensahe sa texts at pag-uusap sa telepono, hindi rin miminsang napag-usapan nila ang tungkol sa sex. Ngunit mas madalas, ang lalaki ang nagkukwento ng mga karanasan nito. Dahil ang totoo, wala pa siyang karanasan. Bagamat hindi niya ito maamin sa lalaki.

Bantulot man, nagpasya na siyang iakyat ang relasyon nila ni Freddie sa ibang antas. Level up, ika nga. Gusto na rin naman niyang may totoong boyfriend siyang matatawag na nahahawakan at naipapakilala sa ibang tao. Hindi iyong nakikita lang at nakakausap sa text. Hindi rin naman tatagal ang relasyon nila ni Freddie kung hindi niya nakagaangan ng loob ang lalaki.

Dumating sa buhay niya si Freddie sa panahong napakalungkot niya. Kahihiwalay lang ng kanyang ama at ina at ang kapatid niyang babae na sobrang malapit sa kanya ay kinailangang mangibang bansa. Sa mga panahong ito ay nakilala niya si Freddie.

Isang mensahe sa Facebook mula sa lalaki ang nagsimula ng lahat. Kaibigan daw ito ng isa niyang kakilala na naka-add sa kanyang friends list. Kung ano ang nag-udyok sa kanya upang tumugon sa mensahe ng lalaki ay hindi na niya matukoy ngayon. Malungkot siya noon at kailangan niya ng kaibigan.

Simula nga noon ay ito na ang naging hingahan niya ng sama ng loob at mga hinanakit sa buhay. Si Freddie ay laging handang makinig, laging may nakahandang encouraging words. Hindi  humuhusga at nanunumbat kahit na batid niyang minsan ay mali ang kanyang mga desisyon.

“San ka na.”

Text message iyon mula kay Freddie.

“malapit na.”

Room 418 ang pakay niya, sa fourth floor ng lumang gusaling iyon. Ewan niya kung bakit kung kelan gusto niyang pabagalin ang oras upang makapag-isip ay tila naman lalo itong nagmamadali. Huminto ang elevator sa fourth floor. Napabuntung hininga siya, napansin niyang nakatingin sa kanya ang dalawang pares ng mga matang lulan din ng elevator. Tila naiinip na ang mga ito.

“Sandali lang, puwede ba.” Gusto niyang sabihin. Sa tinginan kasi ng mga ito ay tila hindi na makapaghintay na isagawa ang ipinunta nila roon.

Ilang saglit pa ang nagdaan bago niya naihakbang ang mabibigat na paa palabas sa makipot na pasilyo ng hotel. Nagsimula siyang tumingin sa mga numerong nakapaskil sa mga pinto. 402, 404, 406. Sa tapat ng room 406 ay may dalawang taong naghahalikan. Ni hindi nga siya napansin ng mga ito. Nagpatuloy siya sa paglakad, 408, 410, 412, 414, 416.

Tumatambol ang kanyang dibdib. Matagal niyang tinitigan ang numerong nakatitik sa huling pinto.

418

Lucky number sa kanya ang mga ito. April 18 ang araw ng kanyang kapanganakan. Isa ba itong sign? Tutuloy ba siya o hindi?

Alam niyang sa oras na katukin niya ang pintong ito, hindi na siya makakaatras pa. At hindi na rin niya maibabalik pa ang oras na ito.

Ano nga ba ang big deal sa gagawin niya? Makabago na ang panahon ngayon, ang bilang ng mga kabataang nagsasagawa ng pre-marital sex ay mas mataas pa yata sa literacy rate ng bansa.

Naalala niya ang madalas na sabihin ng kanyang ina.

“Irespeto mo ang iyong sarili kung gusto mong irespeto ka ng iba. “

“Kahit nagkahiwalay kami ng tatay mo, naniniwala pa rin ako na sagrado ang kasal. Ang  pinakamagandang regalo na maihahandog mo sa lalaking magdadala sayo sa altar ay ang kalinisan ng iyong pagkababae. Hindi mo kailangang magmadali. Kung hindi kayang maghintay ng lalaki na kayo ay maikasal muna, kung hindi ka niya kayang pakasalan muna, hindi siya karapatdapat sa’yo.”

Naputol ang kanyang pagmumuni-muni nang makarinig siya ng pagkalabog sa loob ng kuwarto. Nag-panic na siya. Mabilis siyang tumakbong palayo, pabalik sa elevator. Nang makita niyang nasa ground floor pa iyon ay pinili nya ang hagdanan. Tila may naulinigan siyang tinig na tumawag sa kanyang pangalan ngunit hindi niya iyon pinansin.

Nang tuluyan siyang makalabas ng gusali ay saka lamang siya nakahinga ng maluwag.

“asan ka na?”

“baka ito na ang huling chance natin na magkita”

Ilang sandali pa ay tumatawag na ito. Ngunit di magkandatutong pinatay ni Gelli ang kanyang celphone. Buo na ang kanyang pasya. Hindi niya kaya.

KINABUKASAN ay halos panawan si Gelli ng ulirat nang makita ang balita sa  telebisyon. Isang lalaki ang natimbog ng mga otoridad matapos maaktuhan na nakikipagtalik sa isang menor de edad sa isang motel sa Cubao. Modus operandi umano ng lalaki ang makipag textmate sa mga babae at pagkatapos ay makikipagkita at doon ay pagsasamantalahan at pagnanakawan ang biktima. Lalo siyang nanghina nang makita ang mugshot ng lalaki at ang pamilyar na itsura ng hotel kung saan nahuli ang lalaki. Ito ang mismong hotel na pinuntahan niya kahapon at ang mukha ng suspek ay hindi maipagkakailang kamukha ng larawang ipinadala sa kanya ni Freddie!

Advertisements

Sisi

blameBahagi na yata ng naturalesa nating mga tao na isisi sa iba o sa kahit anong bagay ang kapalpakan o di magandang nangyayari sa buhay natin. It’s human nature, ika nga.

Kapag iniwan ka ng minamahal mo, marami kang pwedeng sisihin. Payo nga sa kanta ng Milli Vanilli:

blame it on the rain, 

blame it on the stars, 

but whatever you do, 

don’t put the blame on you

Sumangayon naman dito si Calvin Harris, kaya nanindigan siya sa kanyang awitin.

Blame it on the night, don’t blame it on me

Hindi rin nagpatalo at naging mas creative si Jamie Foxx.

Blame it on the goose

Blame it on the Alcohol

Ilan lamang ito sa mga kantang nagpapatunay kung gaano tayo kagaling na ipasa ang sisi sa iba. May mga pelikula rin at ilang mga libro na ang pamagat ay Blame, ngunit hindi ko na iisa-isahin.

Huwag na rin tayong lumayo, magbasa ka na lang ng TV o manood ng radyo at siguradong makikita mo kung paano magbatuhan ng sisi ang ating mga lider sa mga kapalpakang nangyayari sa pamahalaan o sa ating bansa. Okey, may mali sa huling pangungusap na naisulat ko. Kasalanan ng dyaskeng keyboard!

Maging tayong mga simpleng mamamayan ay guilty sa blame game.

Madaling isisi sa gobyerno o sa nakaupong presidente kung bakit bulok ang sistema ng lipunan, kung bakit marami ang walang trabaho, kung bakit masikip sa MRT at traffic sa EDSA at kung bakit bumabaha sa Malabon kapag may dalawang kabayong umihi ng sabay. Ngunit sa isang banda, naitanong ba natin sa ating sarili kung ano naman ang naiambag natin sa ating lipunan upang mapabuti ito? May naitulong ba tayo upang mabigyan ng solusyon ang mga problema o bahagi pa tayo ng suliranin?

Baka naman reklamo tayo ng reklamo sa traffic pero simpleng pagsunod sa batas trapiko  ay di natin magawa. Sinisisi natin ang gobyerno na hindi masolusyonan ang baha sa ating lugar pero isa tayo sa mga walang pakundangang nagtatapon ng basura kung saan saan. Ngawa tayo ng ngawa sa social media kung gaano ka-corrupt ang ating mga lider pero isa naman tayo sa mga paulit-ulit na naghahalal sa kanila tuwing eleksyon.

Okey, para kang napagtakluban ng langit at lupa kasi ay wala kang date nung Valentine’s day or sa galit ay NBSB ka. No boyfriend since birth, timang. Tama ka, kasalanan ni Pnoy! O baka kasalanan din ng makapangyarihan mong putok sa kilikili, ng masangsang mong hininga o ng umaalog mong bilbil sa tiyan. Pero anong ginawa mo upang patahanin o tuluyang puksain ang mga special effects mong ito? Ano, wala lang effort?

Sa ating personal na mga buhay, hindi rin mawawala ang sisihan. Kasalanan ni babae kung bakit nagloko si lalaki and vice versa. Nakukulili na ang taenga ni mister sa pagna-nag ni misis kaya sumakabilang bahay siya. Laging subsob si mister sa trabaho at halos wala ng oras kay misis kaya nakalimot ang babae at sumama kay kumpare.

Mayroon akong kilala na isinisisi nya sa pamilya at mga kaibigan ng kanyang asawa kung bakit nasira ang kanyang pamilya at iniwan siya ng kanyang asawa.  Ngunit di siya nag-abalang tanungin ang sarili kung ano ang nangyari, kung ano ang ginawa o hindi niya ginawa at nangyari ito sa kanya. Nakalimutan yata niyang kailangan niya ring magtrabaho upang mabuhay ng disente ang kanyang pamilya at di umaasa na lang sa iba, e di sana’y hindi nakaisip na mangibang-bansa ang kanyang asawa at hindi nito makikilala ang OGL nito. One Great Love, duh!

Marami sa atin ang sa halip na magsumikap upang mapabuti ang ating kondisyon ay mas pinag-uukulan natin ng panahon na isisi sa iba ang ating kalagayan o kinahantungan. Nalilimutan yata natin na kung nasaan man tayo ngayon, malaking bahagi nito ay bunga ng ating mga desisyon sa buhay. Oo, may mga tao o pangyayari na naging instrumento o naging daan upang masadlak tayo kung nasaan man tayo ngayon ngunit sa huli desisyon pa rin natin kung magpapatangay tayo sa kung saan tayo dinadala ng agos o kung paglalabanan natin ito upang di tayo matangay at tuluyang malunod.

Madaling isisi sa iba ang ating mga kasawian sa buhay. Sa isang banda, mekanismo ito upang hindi maging ganun kasidhi ang epekto ng kabiguan sa ating ego o sa ating pagpapahalaga sa sarili. Ngunit aminin man natin o hindi, mas may dignidad sa pag-ako ng responsibilidad at pagtanggap ng pagkakamali. Sabi nga ng isang quote na natisod ko sa internet, “At the end of the day, you are solely responsible for your success and your failure. And the sooner you realize that, you accept that, and integrate that into your work ethic, you will start being successful. As long as you blame others for the reason you aren’t where you want to be, you will always be a failure.”

Message Sent

Ang maikling kwentong ito ay unang naipaskil sa wattpad.com.

“Dinner tayo sa Max later, mga 8pm, gaya ng dati. I miss you.”

Ito ang text message na natanggap ni Jenny mula sa kanyang asawa. Ilang ulit na niyang tinunghayan ang mensahe sa pagbabakasakaling magbago ang nakalagay doon ngunit hindi natinag ang mga letrang nakasulat doon.

Hindi naman sa ayaw niyang makipagkita kay Rudy. Ang totoo, hindi niya maipaliwanag ang saya at pananabik na nararamdaman. Ngunit mas higit ang kanyang pagkasorpresa. Kailan pa ba ang “gaya ng dati” na binabanggit nito. Tatlong taon na yata kung tama ang kanyang pagkakatanda.

Sa restaurant na iyon sila madalas nagde-date noong magkasintahan pa lang sila at noong bago pa lamang mag-asawa. Doon din isinagawa ang reception nila noong sila ay ikinasal. Mahigit tatlong taon na ang nakararaan.

Gaya ng ibang mag-asawa, dumaan sila sa maraming pagkakataon na sinubok ang tibay ng kanilang pagsasama. Sana nga lamang ay masasabi niyang mas tumibay ang kanilang samahan pagkatapos ng mga pagsubok na iyon.

Pakiramdam niya kasi ay habang tumatagal tila lumalayo ang loob sa kanya ng asawa. Tila lumalamig ang pakikitungo nito sa kanya.

Aminado naman siyang hindi siya perpekto, marami siyang mga pagkukulang. Ngunit sinusubukan naman niyang punan ang mga pagkukulang na ito. Hindi lang niya alam kung sapat ang mga iyon para sa kanyang asawa.

Ang kawalan niya ng kakayahang magkaanak ang pinakamalaking dagok sa kanilang relasyon. Paglipas ng dalawang taon matapos silang ikasal ay napilit siya ng lalaki na magpatingin sa doktor at doon nga nakumpirma na hindi siya pwedeng magbuntis bunga ng congenital defects sa kanyang fallopian tube.  Sinubukan din nilang kumuha ng second opinion ngunit lalo lamang nakumpirma ang kanilang pinangangambahan.

Akala niya noon ay guguho na ang kanyang mundo. Batid niya kung gaano kasabik ang kanyang asawa na magkaroon ng anak. At determinado siyang gawin ang lahat upang magkaroon ito ng katuparan. Ngunit paano kung ganito ang kanyang kalagayan?

Noong una’y inalo siya ni Rudy sa pagsasabing pwede naman silang maging masaya nang sila lamang dalawa at bukas naman ito sa posibilidad na sila’y mag-ampon ng bata na kukumpleto sa kanilang pamilya.  Ngunit hindi niya maiwasang makaramdam ng awa sa sarili at pangamba na anumang oras ay iiwan siya ng kanyang asawa.

Lalo pang tumindi ang kanyang mga pangamba nitong mga huling buwan nang makita niyang tila pinipilit ni Rudy na isubsob ang sarili sa trabaho. Lagi itong nasa out of town trips, maagang umaalis ng bahay at gabi na kung dumarating. Pakiramdam na niya’y ayaw na siya nitong makita.

Lagi na lamang siyang naiiwang mag-isa sa bahay na lalo pang nagpatindi sa nararamdaman niyang kahungkagan. Abot -langit ang dasal niya na malampasan nilang mag-asawa ang pagsubok na ito sa kanilang pagsasama. Araw-araw ang kanyang dasal na mangibabaw ang pagmamahalan nila sa isa’t isa sa kabila ng kakulangan sa kanilang pagsasama.

Ang text message na natanggap niya nang hapon na iyon ang tila sagot sa kanyang mga dasal. Alam niyang marami pa silang kailangang ayusin at pag-usapan ng asawa ngunit ang text message na iyon ay isang malaking hakbang tungo sa pagsasaayos ng kanilang relasyon.

Ilang ulit pa niyang binasa ang mensahe sa kanyang celphone bago siya nagdesisyong kumilos na at mag-ayos. Gagawin niyang perpekto ang lahat sa gabing iyon. Mag-aayos siya at magpapaganda, ibabalik niya ang dating Jenny na unang inibig at pinakasalan ng kanyang asawa.

ALAS SAIS pa lang ay excited na si Rudy sa nakatakda nilang dinner date. Pagkatapos ng anim na araw na pagpapakakuba sa mga trabaho sa opisina at dagdag na stress sa bahay, sa wakas ay makakapag-relax na rin siya. Ipinangako niya sa sarili na magiging perpekto ang gabing ito at ang kabuuan ng kanilang weekend.

Nasisiguro niyang matutuwa ang babae sa sorpresa niya rito. Makakabawi na rin siya. Ilang araw na nga ba silang hindi nagkikita nito? Kailan pa ba noong huli silang lumabas? Ah, hindi na ito mahalaga. Ang importante ay ibibigay niya ang buong weekend niya rito. At ipapaalam na rin niya dito ang kanyang desisyon: ang balak niyang sila’y magpakalayo-layo at magbagong buhay sa malayong lugar.

Matagal na rin naman ang relasyon nila ni Gemma at dala nito sa sinapupunan ang katuparan ng kanyang mga pangarap na magkaroon ng masaya at kumpletong pamilya.

Inilabas niya ang kanyang celphone upang i-check kung nasaan na ang babae. Ngunit napamura siya nang makitang ang text message sa Sent Items ng kanyang celphone. Ang message na para sana kay Gemma ay naipadala niya sa kanyang asawa!

END

Balik-tanaw

Ala-una ng madaling araw dito sa Doha, Qatar. Tahimik ang paligid. Tanging ang tunog na nagmumula sa de-bateryang orasan sa dingding ang pumupunit sa katahimikan ng gabi. Manaka-naka ay maririnig din ang pabugso-bugsong pagbuga ng hangin, na tila sa isang matandang pagod, ng mapagkakatiwalaang airconditioning unit. Kung mataman kang makikinig, mauulinigan din ang mahinang paghihilik ng matabang mama sa kapitbahay at ang pagbubulungan ng sweet-nothings ng magdyowa sa kabilang silid. 38 degree celcius ang temperatura sa labas, base sa aking smartphone pero sagad sa buto ang artipisyal na lamig na idinudulot ng aircon.

Pero, parang suwerte, mailap sa akin ang pagtulog sa gabing ito. Dalawang oras na akong nakahiga at ipinaghehele ng patuloy na pagtiktak ng orasan habang pilit na hinahanapan ng sagot ang mga umuukilkil na katanungan ng aking utak, ngunit hindi pa rin ako dungawin ng antok. Ano nga ba ang misyon ko sa mundong ibabaw? Bakit ako ipinanganak na pogi? Bakit may puso ang saging? Bakit may mga tao namang walang puso? What is the essence of being a woman? Who is your crush?

Sa huli ay nangibabaw pa rin ang aking katinuan at nagpasya akong bumangon. Hanggang sa maagaw ang aking atensyon ng laptop sa ibabaw ng study table na matagal ko na ring hindi nagagamit, ito ang aking matapat na kaulayaw noon sa aking pagba-blog.

Naisip ko tuloy, kailan ba ako huling nakapagsulat? Kailan ko huling na-update ang aking blog? At least, ang mga tanong na ito ay kaya kong bigyan ng maayos na kasagutan kumpara sa mga naunang tanong sa aking kukote.

Narito ang aking pagbabalik-tanaw sa ilang taon na ring nalakbay ng blog na ito:

Pebrero 18, 2013 ang huling paskil sa blog na ito na may pamagat na “Shortcut.”
November 19, 2011 ang unang post sa blog na ito na aking pinamagatang “Birth Pains.”

32 ang kabuuang bilang ng paskil sa blog na ito mula simula.

12,701 kabuuang bilang ng post views.

6,878 kabuuang bilang ng mga bumisita sa blog na ito.

Blaglagan Stats

Sa aking personal na buhay, malayo-layo na rin ang aking narating kung susumahin, mula noong simulan ko ang blog na ito. Noon ay isa pa akong hamak na empleyado sa isang call center sa Pasig. Ngayon ay isa pa rin akong hamak na empleyado sa isang telecom company sa Doha, Qatar. Single pa ako noong simulan ko ang blog na ito. Ngayon ay kasal na sa babaeng aking pinakamamahal (alam kong mababasa niya ito hehe).

Marami tayong mga bagay na naisasantabi dahil sa nagbabago nating priorities sa buhay. Pero mayroong mga bagay na isantabi man natin, nakapag-iwan na ito ng marka sa ating buhay at mananatiling bahagi ng ating buhay at pagkatao. Ang blog na ito ay naging kaagapay ko sa paglalakbay ko sa buhay na ito ng halos apat na taon. Apat na taon ng aking buhay na hindi na maibabalik kailanman at maaari na lamang alalahanin at sariwain sa pamamagitan ng mga letra at salitang nakapaskil sa mga pahina ng blog na ito.

Shortcut

Image“There are many shortcuts to failure, but there are no shortcuts to true success.”
― Orrin Woodward

Kung tatanungin ka kung ano ang pipiliin mo, shortcut o long route, ano ang isasagot mo? Marami sa atin ang mahilig sa shortcuts, aminin man natin o hindi.

Come to think of it, obserbahan na lang natin ang mga ginagawa natin sa araw-araw at mapagtatanto nating tayo mismo ay guilty sa paggamit ng mga shortcuts.

Sa pagtetext na nga lang ay marami akong kakilala na kahit hindi na maintindihan ang text message sa sobrang dami ng shortcuts, ay sige pa rin. Kahit pa QWERTY ang teleponong gamit ay mas pinipili pa rin ng iba ang pinaikling version ng mga salita.  

Sa panahon ngayon na uso ang instant mami, instant coffee, instant milk, instant baby at instant success, lahat na yata ay nag-iisip ng mga shortcuts. Sino nga ba naman ang ayaw na mapadali o mapabilis ang trabaho?

Kapag sinabi kong hindi ako mahilig sa shortcuts ay para ko na ring sinabi na mabango ang utot ko.  Guilty rin ako sa paggamit ng shortcuts. In fact, habang ginagawa ko ang post na ito ay panay ang combo ko ng CTRL + S upang masigurong naka-save ang bawat salitang tinitipa ko para sa makabuluhang artikulong ito. At pupusta ako na na maraming keyboards ang nangungupas na ang mga CTRL, C at V keys sa kaka-copy and paste. May mga kilala nga akong bloggers na paborito ring keyboard shortcuts ang mga ito, may mga mambabatas din hehe.

Kahit yata sa personal hygiene ay may mga taong gumagamit ng shortcuts, may mga kagigising lang ay diretso na sa pagbibihis, pagpapahid ng gel at saka kakaripas na ng takbo sa MRT, bus o jeep, wala ng ligo ligo. May iba naman na makapagmumog lang, solb na. Basta makintab at maayos ang buhok, ayos na. Malalaman mo na lamang na isa sa mga nag-shortcut ang katabi mo kapag naamoy mo na ang ebidensiya.  

Wala naman akong nakikitang masamang epekto sa ekonomiya na dulot ng paggamit nating ng shortcuts, katangahan namang maituturing kung nagmamadali ka na at alam mong may daang sa isang oras ay makakarating ka sa iyong patutunguhan ay magsusumiksik ka pa rin sa kalsadang aabutin ka ng walong oras para marating ang iyong destinasyon.  Kung mapapadali ang iyong trabaho sa paggamit ng shortcut keys ay bakit hindi mo ito gagamitin lalo pa kung hindi naman maisasakripisyo ang kalidad ng iyong trabaho.

Ngunit may mga bagay na sa ganang akin ay hindi na dapat dinadaan sa shortcuts. Mali na ang paggamit ng shortcut kung sa paggamit mo nito ay nakalalamang ka na sa ibang tao at naaabuso na ang sistema? Ang kapal mo naman kung alam mong may mga taong nagtitiyaga ng limang oras sa pagpila sa LTO o sa NSO, samantalang ikaw ay magbabayad lang sa fixer upang hindi ka na pumila. O kaya ay ipapalakad mo na lang sa isang kakilala na nagtatrabaho sa loob. Ang lupit mo, tsong!

Pati sa pangkabuhayan o sa pagyaman, marami ang umaasa sa shortcuts. Kaya naman di kataka-taka kung bakit maraming buhay ang nasisira nang dahil sa sugal at sa panloloko o panlalamang sa iba. Shortcut din ang dahilan kung bakit marami rin ang naloloko ng mga scam. Sino nga ba ang hindi masisilaw sa easy money? Bakit kailangang magpagod kung may paraan naman upang kumita ng limpak-limpak na salapi sa madaling paraan?

May ilan akong narinig na katamaran daw ang dahilan kung bakit mahilig sa shortcuts ang mga pinoy. Totoo siguro ito para sa iba ngunit di ako sumasang-ayon na totoo ito sa nakararaming Pilipino. Maabilidad siguro ang tamang salita, mahilig tayong humanap ng paraan upang lalong mapabilis at mas maging efficient sa ating trabaho kaya naman nakakaisip tayo ng mga shortcuts. Pero hindi tayo tamad. At least ako hindi hehehe.

Hindi lahat ng bagay o mithiin sa buhay ay dapat dinadaan sa shortcuts. Masarap pa rin minsan na makamit ang isang bagay na pinagbuhusan ng oras, pagod at hirap. Minsan hindi na natin napag-uukulan ng wastong pagpapahalaga ang mga bagay dahil sa ito ay madali nating nakuha.

Naranasan ko ng bumyahe mula Maynila hanggang sa Samar na sakay lamang ng bus. Totoong nakakapagod at nakakainip ang byahe. Mantakin mong umaabot ng 24 to 30 hrs ang kabuuang paglalakbay. Kasama na rito ang pagsakay ng ilang oras sa Ferry Boat. Sasakit ang tumbong mo sa kakaupo. Imaginin mo na lang kung ang katabi mo pa ay di naligo, e di dagdag pa ito sa kalbaryo. At kung may bad breath pa ang katabi mo, e di panis rin ang laway mo.  Ang maganda at hindi malilimutan sa mahabang byaheng ito ay ang katotohanang, hitik ito sa karanasan. Makikita mo ang magandang kapaligiran, ang mga luntiang bukirin, ang mga bundok at mga dagat at iba pang tanawin na madadaanan ng bus na iyong sinasakyan. Sa pagsakay mo sa Ferry Boat ay makikita mo ang mga batang masasayang lumalangoy, gumaganyak sa mga pasahero na maghagis ng barya upang kanilang sisirin. Mga simpleng bagay, oo, pero ito yung mga bagay na magpapangiti at magpapamangha sayo.

Hindi ko pa nasubukan pero wala pa raw isang oras ang byahe kung mag-eeroplano ka papuntang Samar. Iyon nga lang, ipinagkait mo sa sarili mo ang karanasang makita ang ganda ng Pilipinas.  

Mas marami kang makikitang tanawin kapag hindi ka nag shortcut. Ganun din daw sa buhay, kapag ang tinahak mong daan ay ang mahaba at ang baku-bakong daan, pihadong yayaman ka at patitibayin ka ng karanasan.  Hindi sulit ang paglalakbay sa buhay kapag pinili mo ang expressway.  Sabi nga ng isang quotation na nabasa ko: Never take a shortcut in life. Take the long route because you pick up more experiences on the way.