Samu't saring Kuro-kuro at Haka-haka

Posts tagged ‘Facebook’

Usapang Facebook DP

dpMalaking issue ngayon sa social media, bukod sa malagim na trahedya sa Paris, ang trapik na idinudulot ng APEC sa Pilipinas at ang kontrobersyal na panayam kay Alma Moreno, ay ang paglalagay ng bandila ng France sa profile picture sa Facebook ng marami upang makisimpatya sa mga biktima ng pag-atake sa nasabing bansa. 

Reklamo ng iba, halos araw-araw ay may mga namamatay dahil sa terorismo sa iba’t ibang panig ng mundo ngunit bakit hindi gumawa ang Facebook ng temporary profile picture para sa mga bansang ito? Lingid sa iba, isa ring pag-atake ang naganap sa Beirut sa parehong araw na inatake ang Paris na kumitil ng mahigit sa apatnapung buhay. Ano nga ba ang meron sa France?

Since hindi naman ako konektado sa Facebook, lahat ng mga sasabihin ko dito ay pawang mga kuro-kuro at haka haka lamang. Kung may problema kayo sa mga mababasa niyo, gawa rin kayo ng sarili niyong blog haha.

Ito ang unang pagkakataon na gumawa ng ganito ang Facebook. Nagkataon marahil na “trending” at mas marami ang interesado sa paksang ito kaya ito ang kanilang pinagtuunan ng pansin. Sa tingin mo ba magkakainteres ang Facebook sa isanlibong tumatalakay sa interview ni Alma Moreno gayong may isang milyong nagpapahayag ng kalungkutan sa nangyari sa Paris? Huwag din natin kalimutan na ang Facebook ay isang kompanyang nakabase sa America, hindi kataka-takang mas makisimpatya ito sa bansang kapitbahay at kaalyado ng kanilang bansa. 

Ang France ay itinuturing na beacon of democracy sa Europa. Para sa ilan, kung ang bansang ito ay nagawang atakihin ng mga terorista, ano ang makapipigil na mangyari ito sa mga bansang walang kakayahang protektahan ang sariling teritoryo gaya ng Pilipinas.

Bakit nga ba ganun na lang ang reaksyon ng social media sa nangyari sa France gayong halos araw-araw ay may mga namamatay dahil sa karahasan o terorismo sa mga bansa sa Gitnang Silangan? Picture this. Halimbawang may dalawang bomba ang sumabog sa Pilipinas (knock on wood), isa sa isang maliit na baryo sa Mindanao at isa sa gitna ng business district sa Metro Manila. Sa palagay mo, alin ang mas pag-uusapan at saan ang pagtutuunan ng pansin ng media? Saan mapupunta ang simpatya ng mga tao?  Tanggapin natin ang katotohanan na kung pangkaraniwan na lang ang karahasan sa isang lugar, hindi man dapat ay tila lumalamlam ang simpatya ng mga tao. 

Kahit sa anong relihiyon, mahalaga ang buhay. Walang karapatan ang sinuman na kitilin ang buhay ng kanyang kapwa maging sa ngalan ng relihiyon o ideolohiya.  Marapat lamang natin ipagdasal ang mga taong naging biktima ng karahasan saan mang sulok ng mundo. Hindi rin ako sang-ayon sa tinatawag nilang selective sympathy. Pero we can only do so much. And selective sympathy is better than apathy. Gustuhin man natin, hindi naman pwedeng magpalit tayo ng profile pic sa bawat insidente ng karahasan na magaganap sa alinmang bansa. Isa pa, ang pakikiramay ay ginagawa ng kusang loob at hindi ipinipilit. Imaginin niyo na lang na nakiramay ka sa isang malapit na kapitbahay na namatayan, makatuwiran ba na usigin ka ng isa mo pang kapitbahay kung bakit hindi ka nakiramay sa kanya noong siya naman ang namatayan?

Nakakalungkot isipin na kahit sa panahon ng pagdadalamhati ng ilan, nagagawa pa rin ng iba na tumuligsa at pumuna. Hindi dapat maging issue ang pagpapalit o hindi pagpapalit ng profile picture ng isang tao sa Facebook, may kalayaan siyang gawin ang sa tingin niya’y tama gaya ng kalayaan ng iba na tumuligsa at pumuna. Hindi rin issue ito kung kanino dapat ang simpatya ng mga tao. Hindi ito kompetisyon at wala rin dapat kinalaman ang relihiyon dito. Dahil ang terorismo ay walang kinikilalang relihiyon.

Aybol

YesICanAng maikling kwentong ito ay unang naipaskil sa wattpad.com.

PAAKYAT NA ang elevator sa pipitsuging hotel na iyon sa Cubao nang biglang balutin si Gelli ng mga pangamba. Kung kahapon ay tila sigurado na siya sa kanyang desisyon, ngayon  ay batbat na siya ng pag-aalinlangan.

Ito ang unang pagkakataon na magkikita sila ni Freddie, pagkatapos ng dalawang buwang relasyon sa internet at palitan ng texts.

May hagikhik siyang narinig at napasulyap siya sa isang babae na lulan din ng elevator. May kasama itong isang lalaki at magkahawak kamay ang dalawa at nagbubulungan simula pa noong sumakay sila sa elevator. Mag-asawa o magnobyo? Hindi na niya pinangahasang bigyan iyon ng kasagutan.

Gaya ng dalawang kasama niya sa elevator, alam niya kung ano ang maaaring kahantungan ng unang pagkikita nilang ito ni Freddie. Sa hotel? Bakit kailangang sa hotel agad? Iyon din ang tanong niya sa sarili noong una. Ngunit hindi na niya kailangang itanong sa lalaki kung bakit. Maliwanag pa sa sikat ng araw ang kasagutan.

Hindi naman na sila mga bata. Disinuebe anyos na siya at si Freddie ay mas matanda sa kanya ng 2 taon base sa pakilala nito sa kanya. Sa dalawang buwang palitan nila ng mensahe sa texts at pag-uusap sa telepono, hindi rin miminsang napag-usapan nila ang tungkol sa sex. Ngunit mas madalas, ang lalaki ang nagkukwento ng mga karanasan nito. Dahil ang totoo, wala pa siyang karanasan. Bagamat hindi niya ito maamin sa lalaki.

Bantulot man, nagpasya na siyang iakyat ang relasyon nila ni Freddie sa ibang antas. Level up, ika nga. Gusto na rin naman niyang may totoong boyfriend siyang matatawag na nahahawakan at naipapakilala sa ibang tao. Hindi iyong nakikita lang at nakakausap sa text. Hindi rin naman tatagal ang relasyon nila ni Freddie kung hindi niya nakagaangan ng loob ang lalaki.

Dumating sa buhay niya si Freddie sa panahong napakalungkot niya. Kahihiwalay lang ng kanyang ama at ina at ang kapatid niyang babae na sobrang malapit sa kanya ay kinailangang mangibang bansa. Sa mga panahong ito ay nakilala niya si Freddie.

Isang mensahe sa Facebook mula sa lalaki ang nagsimula ng lahat. Kaibigan daw ito ng isa niyang kakilala na naka-add sa kanyang friends list. Kung ano ang nag-udyok sa kanya upang tumugon sa mensahe ng lalaki ay hindi na niya matukoy ngayon. Malungkot siya noon at kailangan niya ng kaibigan.

Simula nga noon ay ito na ang naging hingahan niya ng sama ng loob at mga hinanakit sa buhay. Si Freddie ay laging handang makinig, laging may nakahandang encouraging words. Hindi  humuhusga at nanunumbat kahit na batid niyang minsan ay mali ang kanyang mga desisyon.

“San ka na.”

Text message iyon mula kay Freddie.

“malapit na.”

Room 418 ang pakay niya, sa fourth floor ng lumang gusaling iyon. Ewan niya kung bakit kung kelan gusto niyang pabagalin ang oras upang makapag-isip ay tila naman lalo itong nagmamadali. Huminto ang elevator sa fourth floor. Napabuntung hininga siya, napansin niyang nakatingin sa kanya ang dalawang pares ng mga matang lulan din ng elevator. Tila naiinip na ang mga ito.

“Sandali lang, puwede ba.” Gusto niyang sabihin. Sa tinginan kasi ng mga ito ay tila hindi na makapaghintay na isagawa ang ipinunta nila roon.

Ilang saglit pa ang nagdaan bago niya naihakbang ang mabibigat na paa palabas sa makipot na pasilyo ng hotel. Nagsimula siyang tumingin sa mga numerong nakapaskil sa mga pinto. 402, 404, 406. Sa tapat ng room 406 ay may dalawang taong naghahalikan. Ni hindi nga siya napansin ng mga ito. Nagpatuloy siya sa paglakad, 408, 410, 412, 414, 416.

Tumatambol ang kanyang dibdib. Matagal niyang tinitigan ang numerong nakatitik sa huling pinto.

418

Lucky number sa kanya ang mga ito. April 18 ang araw ng kanyang kapanganakan. Isa ba itong sign? Tutuloy ba siya o hindi?

Alam niyang sa oras na katukin niya ang pintong ito, hindi na siya makakaatras pa. At hindi na rin niya maibabalik pa ang oras na ito.

Ano nga ba ang big deal sa gagawin niya? Makabago na ang panahon ngayon, ang bilang ng mga kabataang nagsasagawa ng pre-marital sex ay mas mataas pa yata sa literacy rate ng bansa.

Naalala niya ang madalas na sabihin ng kanyang ina.

“Irespeto mo ang iyong sarili kung gusto mong irespeto ka ng iba. “

“Kahit nagkahiwalay kami ng tatay mo, naniniwala pa rin ako na sagrado ang kasal. Ang  pinakamagandang regalo na maihahandog mo sa lalaking magdadala sayo sa altar ay ang kalinisan ng iyong pagkababae. Hindi mo kailangang magmadali. Kung hindi kayang maghintay ng lalaki na kayo ay maikasal muna, kung hindi ka niya kayang pakasalan muna, hindi siya karapatdapat sa’yo.”

Naputol ang kanyang pagmumuni-muni nang makarinig siya ng pagkalabog sa loob ng kuwarto. Nag-panic na siya. Mabilis siyang tumakbong palayo, pabalik sa elevator. Nang makita niyang nasa ground floor pa iyon ay pinili nya ang hagdanan. Tila may naulinigan siyang tinig na tumawag sa kanyang pangalan ngunit hindi niya iyon pinansin.

Nang tuluyan siyang makalabas ng gusali ay saka lamang siya nakahinga ng maluwag.

“asan ka na?”

“baka ito na ang huling chance natin na magkita”

Ilang sandali pa ay tumatawag na ito. Ngunit di magkandatutong pinatay ni Gelli ang kanyang celphone. Buo na ang kanyang pasya. Hindi niya kaya.

KINABUKASAN ay halos panawan si Gelli ng ulirat nang makita ang balita sa  telebisyon. Isang lalaki ang natimbog ng mga otoridad matapos maaktuhan na nakikipagtalik sa isang menor de edad sa isang motel sa Cubao. Modus operandi umano ng lalaki ang makipag textmate sa mga babae at pagkatapos ay makikipagkita at doon ay pagsasamantalahan at pagnanakawan ang biktima. Lalo siyang nanghina nang makita ang mugshot ng lalaki at ang pamilyar na itsura ng hotel kung saan nahuli ang lalaki. Ito ang mismong hotel na pinuntahan niya kahapon at ang mukha ng suspek ay hindi maipagkakailang kamukha ng larawang ipinadala sa kanya ni Freddie!